Wednesday, December 31, 2014

St. Joseph the Worker Parish Bible Diary 2015

Ang kasalukuyang kura-paroko natin, Reb. Padre Reginald A. Mamaril, ay bumuo ng isang plano upang matulungan ang mga parokyano natin na makiisa sa mga gawaing pansimbahan sa pamamagitan ng paggawa ng Bible Diary. Ito ay bubuuin ng mga Ebanghelyo sa araw-araw para sa taong 2015, at isang pagninilay na ibabahagi ng isang parokyano. Nagsimula ito noong Agosto 2014 sa tulong ng mga kasapi ng Lectors and Commentators Ministry. Naipamahagi ang mga liham at paanyaya sa mga mananampalataya sa loob ng ating parokya. Nagkaroon ng magandang pagtugon mula sa mga kasamahan natin sa simbahan, mga manggagawa, mga magulang, at mga kabataan. Ang kanilang mga pagninilay ay ibinahagi sa pamamagitan ng pagsulat, e-mail, at typewritten na dokumento. Ang mga ito ay unang binasa ng mga members ng LCM, at sinundan ng pagbabasa ni Fr. Regj.

Ngunit hindi lahat nang nakatanggap ng "assignment" ay nakapag-pasa sa takdang linggo. Maraming mga araw ay walang pagninilay kaya't ang proyekto ay hindi nailathala. Naipon ang mga pagninilay ng mga taong nakapagbahagi at ang mga ito ngayon ang magiging laman ng blog na ito. Sa susunod na mga araw, linggo, at buwan ay ibabahagi ng blog na ito ang mga Mabuting Balita sa bawat araw kasama ang mga pagninilay at ang mga pangalan ng mga taong pangunahing nagsulat.