Friday, January 30, 2015

Pebrero 1, 2015; Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon

Marcos 1:21-28

Nagpunta sina Jesus sa Capernaum, at nang sumunod na Araw ng Pamamahinga ay pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. Namangha ang mga tao sapagkat nagtuturo siya nang may kapangyarihan, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan. Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking sinasapian ng masamang espiritu. Ito'y sumigaw, "Ano ang pakay mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang kami'y puksain? Kilala kita, ikaw ang Banal na mula sa Diyos." Ngunit iniutos ni Jesus sa masamang espiritu, "Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!"

Pinangisay ng masamang espiritu ang lalaki at sumisigaw itong lumabas sa kanya. Ang lahat ay namangha kaya't sila'y nagtanungan sa isa't isa, "Paanong nangyari iyon? Ito ay isang kakaibang katuruan! Makapangyarihan niyang nauutusan ang masasamang espiritu, at sumusunod naman ang mga ito sa kanya." Dahil dito, mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Jesus.


Pagninilay:

Si Jesus ang aking mangagamot, siya ang nagpagaling sa aking sakit sa puso. Taimtim na panalangin ang aking ginawa ay ako’y kanyang pinakinggan. Ako’y nagpapasalamat ng buong puso sa ating Panginoon kung hindi ako gumaling wala na ako ngayon, wala na akong pagkakataon maglingkod sa kanya. Kung kaya naman ako ngayon ay naglilingkod sa aming parokya at hiling ko sa kanya gabayan niya ako magampanan ko ng tapat ang aking mga gawain sa aming simbahan.

Salamat Panginoon tunay kang mapagmahal at mabait.

Enero 30, 2015

Marcos 4:26-34

Sinabi pa ni Jesus, “Ang kaharian ng Diyos ay maitutulad sa isang taong naghasik ng binhi sa kanyang bukid. Natutulog siya kung gabi at bumabangon kung araw. Samantala, ang binhi ay tumutubo at lumalago ngunit hindi alam ng naghasik kung paano. Ang lupa ang nagpapasibol at nagpapabunga sa mga pananim; usbong muna ang lumilitaw, saka ang tangkay; pagkatapos, nahihitik ito sa butil. Kapag hinog na ang mga butil, agad niya itong ipagagapas sapagkat panahon na para ito'y anihin.”

“Saan pa natin maihahambing ang kaharian ng Diyos? Anong talinhaga ang gagamitin natin upang mailarawan ito?” tanong ni Jesus. “Ang katulad nito ay butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi. Ngunit kapag itinanim, ito'y lumalago at nagiging pinakamalaki sa lahat ng tanim; ito'y nagkakasanga nang mayabong, kaya't ang mga ibon ay nakakapamugad sa lilim nito.”

Ipinangaral ni Jesus sa kanila ang mensahe sa pamamagitan ng maraming talinhagang tulad ng mga ito, ayon sa abot ng kanilang pang-unawa. Hindi siya nangaral sa kanila nang hindi gumagamit ng talinhaga; ngunit ipinapaliwanag niya ang mga ito sa kanyang mga alagad kapag sila-sila na lamang.


Pagninilay:

Taong 1994 ng mabigyan ng pagkakataon ang aming pamilya na ampunin si Cory, isang 8 taong gulang na bata. Noong mga panahon na iyon, nasa krisis ang kanilang pamilya at silang mga magkakapatid ay nagkahiwa-hiwalay dala ng maraming problema at kahirapan ng buhay. Magkasama kami sa aking kwarto at hati kami sa lahat ng bagay. Walang gabi na hindi kami nag-uusap kahit anong pagod namin sa pag-aaral; at sabay kami magdasal bago matulog. 

Naalala ko, madalas ko siyang pagsabihan: “Okay lang yang nangyari sa ‘yo. ‘Wag mo gaanong dibdibin yan. Forgive and try to forget. Tapos na ‘yan. Mahalaga, makapagtapos ka at matutunan mo ang makibagay sa kapwa.” 

Lumipas ang maraming taon at si Cory ay kinuha na kanyang hipag. Nagulat ako ng tawagan niya ako isang bisperas ng Pasko. Sabi niya: “Ate, sana madala kita dito sa Dubai. Mahirap na masaya ang trabaho basta huwag ka lang mapili. Sabi mo mga sa akin, matuto ako makibagay sa ibang tao, di ba? Dito Ate, iba’t ibang lahi ang nakakasalamuha ko. Pinakikisamahan ko silang mabuti gaya ng sabi mo sa kin dati.” Natuwa ako sa mga sinabi niya dahil hindi pala niya kinalimutan ang mga payo at paalala ko sa kanya. Hindi ko inakala na nakapagtanim ako ng kabutihan sa kanya. Sa ngayon, napag-aral niya ang kanyang mga kapatid at si Ernest ay papunta na rin ng Middle East para magtrabaho. Ang aking naibahaging payo sa kanya ay siya ring kanyang ibinabahagi sa kanyang mga kapatid.

Sa mga sandaling ito, tanungin natin ang ating sarili, “Nakapagtanim ba ako ng butil ng pananampalataya at kabutihan sa araw na ito sa ibang tao?” Napakahalaga ng pagninilay na ito sa atin bilang Kristiyano upang hindi natin makalimutan ang isa sa mahalaga nating misyon sa buhay – ang makapagtanim ng butil ng Panginoon sa puso ng ating kapwa sa pamamagitan ng pagbabahagi at pagsasabuhay nito gaya ng nasasaad sa Marcos 4: 26-34. 


Wednesday, January 28, 2015

Enero 29, 2015

Marcos 4:21-25

Nagpatuloy si Jesus ng pagsasalita. Sinabi niya, "Sinisindihan ba ang ilawan upang itago sa isang malaking takalan, b o kaya'y sa ilalim ng higaan? Hindi ba't kapag nasindihan na ay inilalagay ito sa talagang patungan ng ilaw? Walang natatagong di malalantad, at walang lihim na di mabubunyag. Makinig ang may pandinig!"

Idinugtong pa niya, “Unawain ninyong mabuti ang inyong naririnig. Ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo, at higit pa roon. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa.”


Pagninilay:

Bata pa ako ay kinaugalian ko na ang mamuhay ng mag-isa. Likas kasi akong mahiyain at hindi palakibo at palakaibigan. Ang pagiging tahimik at walang kibo ay siya kong mascara upang itago ang likas kong pagkatao. Sarili kong buhay ang iniintindi ko at hindi nakikihalubilo sa iba. Bagama’t tahimik lang ako, may itinatago naman akong talino at diretso ayon sap unto sa pagtalakay ng mga bagay-bagay. Hindi ako relihiyoso, at madalas ay hindi ako nagsisimba tuwing Linggo dahil malayo sa amin ang simbahan at tatawid ka pa ng ilog para makarating ditto.

Nang magmarriage encounter kami ng aking maybahay na si Remy sa isang Catholic Charismatic Community (BLD) noong 1992 ay nagging palabasa ako ng Salita ng Diyos at natutunan ko ang kahalagahan nito. Dumalo ako ng iba’t ibang seminars, pagtuturo, upang ganap kong makilalala si Kristo. Naging aktibo ako sa komunidad at natutunan ko na ang tao ay hindi nabubuhay sa sarili lamang. Bilang Kristyano at bilang tagasunod ni Kristo, kailangan nating makipag-ugnayan sa kapwa at ipamarali ang katotohanan, ang katotohanan ayon kay Kristo Jesus, sapagkat ang katotohanan ang magpapalaya sa atin. Nararapat lamang na ipagpatuloy ang naiwang gawain ng ating Panginoon dito sa mundo sa pamamagitan ng pagiging disipulo at pagpapahayag ng Mabuting Balita – ang Salita ng Diyos nang sa gayon ito ay maging gabay natin sa pagtahak sa buhay kabanalan. Dapat lang na tayo ay maging magandang halimbawa, tulad ng ilaw ni Kristo na nagliliwanag, upang mapamarisan ng mga nakakakita dito.

Nararapat lang na huwag itago ang talentong ibiigay ng Diyos sa atin at gamitin ito sa paglilingkod para sa kapakanan ng iba at sa kaluwalhatian ng Diyos.

(Bro. Boy C. Hernandez)

Enero 28, 2015

Marcos 4:1-20

Muling nagturo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea...Ganito ang sinabi niya: "Makinig kayo! May isang magsasakang lumabas upang maghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik ay may mga binhing nalaglag sa daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May mga binhi namang nalaglag sa batuhan. Bagama't kaunti lamang ang lupa roon, agad sumibol ang mga binhing iyon. Ngunit nang tumindi ang sikat ng araw, nalanta at natuyo ang mga binhing tumubo, palibhasa'y hindi ito masyadong nag-ugat. May mga binhi namang nalaglag sa may damuhang matinik; nang lumago ang mga damo, sinakal nito ang mga binhing tumubo, kaya't hindi nakapamunga ang mga binhi.At may mga binhi namang nalaglag sa matabang lupa. Ang mga ito ay tumubo, lumago, at namunga nang marami; may nagkabutil ng tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tigsasandaan." Sinabi pa ni Jesus, "Makinig ang may pandinig." … ang binhing inihahasik ay ang mensahe tungkol sa kaharian ng Diyos at ang mga binhi namang nalaglag sa daan ay ang mga taong nakikinig sa mensahe ng Diyos. Pagkarinig nila'y dumating si Satanas at inalis ang mensaheng inihasik sa kanila. "Ang katulad ng mga binhing nalaglag sa batuhan ay ang mga taong nakikinig at malugod na tumatanggap sa mensahe ng Diyos. Subalit ang mensahe ay hindi tumitimo sa kanilang puso kaya't hindi sila nananatili doon. Pagdating ng kapighatian o pag-uusig dahil sa mensahe ng Diyos, agad silang sumusuko.

"Ito naman ang kahulugan ng mga binhing nalaglag sa may damuhang matinik. May mga taong nakikinig ng mensahe ng Diyos ngunit dahil sa alalahanin sa buhay na ito, pagkasilaw sa salapi, o kaya'y pagkahumaling sa ibang mga bagay, ang mensahe ay nawalan na ng puwang sa kanilang puso kaya't hindi ito nakapamunga.

"Ito naman ang kahulugan ng mga binhing nalaglag sa matabang lupa. May mga taong nakikinig at tumatanggap sa mensahe ng Diyos at namumunga nang masagana; may tigtatatlumpu, may tig-aanimnapu at may tigsasandaan."


Pagninilay:

Sa malawak na sakahan, ang Simbahan, ang Salita ng Diyos ay inihahasik sa lahat katulad ng binhing ihinasik ng magsasaka sa Ebanghelyo ngayon.

Dahil sa ang mga tao’y naging matitigas ang ulo, ang Salita o mensaheng ipnangaral ni Hesus ay “Malapit na dumating ang Kaharian ng Diyos. Magsisi, at making sa Mabuting Balita.” Ang mensaheng ito ay makahulugan pa rin ngayon at ayon nga sa utos ni Kristo ‘ang may tainga ay makinig’ dahil ang pananampalataya ay nakakamit sa pakikinig sa Salita ng Diyos.

Subalit ang pagkaunawa sa katotohanan ay hindi para sa lahat; ito’y pribiliheyong ipinagkakaloob lamang sa tunay na mga tagasunod ni Kristo. Yaon lamang may mga pusong taos na tumatanggap sa Salita ng Diyos ang makakaunawa nito.

Sa pamamagitan ng paggamit ng mga Talinhaga, hindi ni Jesus isinasantabi ang madlang nakikinig. Binubunot lamang niya yaong ipinagkakanulo ng kawalan ng interes ang taos nilang kagustuhang making at makaunawa sa Salita ng Diyos. Ang kanilang tugon ay nagpapahayag ng mga pusong tulad ng mabatong daan na tumatangging ibaon ang Salita ng Diyos sa kanilang mga puso. Kaya hinusgahan nila ang kanilang mga sarili sa kawalan nila ng pananampalataya, tulad ng isinasaad sa 2 Tesalonica 2:10 : “Sila’y napahamak dahil tumanggi silang mahalin ang katotohanan nang sa gayon sila ay maligtas.”

Ang mga talinhaga ay hindi ikinukubli ang katotohanan. Tumutulong ito upang magkaroon ng pagkagutom sa kahulugan ng mensahe ang mga tao. At ang tunay na nakarinig ay masumpungan ang Diyos na siyang makakapagpahayag ng katotohanan sa kanilang mga puso. Ang katotohanan ay hindi ipinapahayag sa lahat subalit ayon sa Banal na Kasulatan ay “ipinakakaloob ng Diyos doon sa taos-pusong tumatanggap sa Salita ng Diyos.

Yaong may mga pusong bato ay tahasang tumatanggi sa Salita ng Diyos. Ayon nga kay Kristo sa ebanghelyong isinulat ni San Marcos “ sila’y tingin nang tingin ngunit di makakita” at “dinig nang dinig ngunit di makaunawa; kung hindi, sila sana’y nagbalik loob at pinatawad.

May iba’t-ibang antas ang katigasan ng puso ng tao: “Ang ibang tao ay tulad ng binhing inihasik sa daan kung saan inihasik ang salita. Nang ito’y kanilang marinig, si Satanas ay dumating at tinangay ang salitang inihasik sa kanila.” “May iba namang tulad ng binhing ihinasik sa mabatong lugar. Narinig ang Salita at agad na masayang tinanggap. Kaya lang dahil sa hindi sila nag-ugat, hindi nagtagal ang kanilang buhay at sila’y namatay. Nang dumating ang mga suliranin at pag-uusig dahil sa Salita ng Diyos sila’y kaagad sumuko.”

“Yaong iba naman, tulad ng mga binhing ihinasik sa damuhang matinik ay narinig ang salita; subalit ang mga alalahanin sa buhay, ang pagkasilaw sa kayamanan at ang pagnanasa sa maraming bagay ay dumating at nawalan ng puwang ang Salita sa kanilang puso kung kaya’t hindi ito nakapamunga.”

Enero 27, 2015

Marcos 3:31-35

Dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus. Sila'y nasa labas ng bahay at ipinapatawag siya. Nang oras na iyon ay maraming taong nakaupo sa palibot ni Jesus. May nagsabi sa kanya, "Nasa labas po at naghihintay ang inyong ina at mga kapatid."

“Sino ang aking ina at mga kapatid?” tanong naman ni Jesus. Tumingin siya sa mga nakaupo sa palibot at sinabi, “Sila ang aking ina at mga kapatid! Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng Diyos ay siyang aking ina at mga kapatid.”


Pagninilay:

Ang pagsunod o obedience ay nakaugat sa isang malalim na relasyon tulad ng ugnayan ng mga anak sa mga magulang at sa pagsusunuran ng mga magkakapatid. Ang pagsunod ay isang ugali na nag-uugat sa pamilya at isa ring pagpapahalaga na nagbubuklod sa mga anak sa magulang at sa mga magkakapatid, Ang isang pamilyang masunurin ay mananatiling matatag kahit sa gitna ng unos at ang pamilyang nagkakanya-kanya ay madaling mabuwag.

Kaya hindi kataka-taka kung ihinalintulad ni Jesus ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos sa kanyang Ina’t mga kapatid. Sa kanyang inang si Maria, at mga kaanak una niyang nasaksihan kung paano sumunod sa kalooban ng Diyos. At sa kanila rin ni Jesus unang natutuhan ang pagiging masunurin.

Maituturing ko bang Ina at kapatid ni Jesus dahil sa ako’y masusnurin sa kaooban ng Diyos? O ako’y yaong di kaano-ano ni Jesus dahil ang sinusunod ko lamang ay ang sariling kagustuhan.

Monday, January 26, 2015

Enero 26, 2015; San Timoteo at San Tito, mga Obispo

Lucas 10:1-9 / Marcos 3:22-30

Pagkatapos nito, pumili ang Panginoon ng pitumpu't dalawa. Sila ay isinugo niya nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na pupuntahan niya. Sinabi niya sa kanila, "Napakarami ng aanihin ngunit kakaunti ang mga mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala siya ng mga mag-aani. Sige pumunta na kayo! Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mababangis na asong-gubat. Huwag kayong magdala ng lalagyan ng pera, bag, o sandalyas. Huwag na kayong makikipagbatian kaninuman sa daan. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, 'Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!' Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, tatanggapin nila ang kapayapaan ninyo; ngunit kung hindi, babalik sa inyo ang inyong kapayapaan. Makituloy kayo sa bahay na iyan at huwag kayong magpapalipat-lipat ng tinutuluyan. Kainin ninyo at inumin ang anumang ihain sa inyo sapagkat ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng sweldo. Kapag tinanggap kayo sa alinmang bayan, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at sabihin sa mga tagaroon, 'Malapit na kayong pagharian ng Diyos.’


Pagninilay:

Bagama’t si Jesus ay tanyag dahil sa kanyang mga kabutihang ginawa at maraming pumupuri sa kanya, marami rin ang pumupula sa kanya, isa na rito ang mga Tagapagturo ng mga Kautusan. Sa kanilang kapalaluan hindi nila matanggap na si Jesus ay mas marunong at mas banal kaysa sa kanila. Kaya’t ganoon na lamang ang pagkainggit nila sa Panginoon. Subalit sa mga pag-aalipustang ito si Jesus ay di natinag dahil kilala niya kung sino Siya. Wala siyang insecurities sa buhay kaya naman siya’y mapagpasensya at makatwiran. Sa halip na gantihan ng galit at poot ang bumabatikos sa kanya, ginagawa niya itong isang oportunidad upang turuan at maliwanagan ang isipan ng mga tao. Ang ipinapairal niya’y katwiran, hindi galita at poot.

Sa ating panahon ngayon malimit tayong makatagpo ng mga taong salungat sa ating mga pananaw o opinion. Sa mga sitwasyong ito ba’y poot o katwiran ang umiiral sa atin. Katulad ni Jesus, ginagamit ba natin itong pagkakataon upang turuan at maliwanagan ang bumabatikos sa atin? O tayo ba’y bumababa sa lebel ng mga nagungutya sa atin sa pamamagitan ng pagganti ng masasamang salita?

Sunday, January 25, 2015

Enero 25, 2015; Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon; Kapistahan ng Pagbabalik-loob ni San Pablo Apostol

Marcos 1:14-20

Nang ibinilanggo na si Juan, si Jesus ay nagpunta sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balitang mula sa Diyos. Sinabi niya, "Dumating na ang takdang panahon. Malapit nang maghari ang Diyos! Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan. Paniwalaan na ninyo ang Magandang Balita!" Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon at Andres na nanghuhuli ng isda sa pamamagitan ng lambat. Sila'y kapwa mga mangingisda. Sinabi ni Jesus sa kanila, "Sumunod kayo sa akin at kayo'y gagawin kong mangingisda ng mga tao." Pagkasabi niya nito'y agad iniwan ng magkapatid ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.

Nagpatuloy siya sa paglalakad, at sa di-kalayuan ay nakita naman niya ang magkapatid na Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa kanilang bangka at nag-aayos ng mga lambat. Tinawag din sila agad ni Jesus at sila ay sumunod din sa kanya. Iniwan nila sa bangka ang kanilang ama na kasama ang kanilang mga upahang manggagawa.


Pagninilay:

“Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mamamalakaya ng tao” Pagkatapos kong basahin ang katagang ito mula sa Panginoong Jesus, tinanong ko ang aking sarili, “Kaya ko bang iwan ang aking lambat at sumunod kay Kristo kung siya’y darating at ako’y tawagin katulad ng pagtawag niya kay Simon at Andres? Ito’y nangangahulugan nang pag-iwan ng lahat ng aking pag-aari at ng mga mahal ko sa buhay. Ako’y nakasisigurong marami sa atin ang magdadalawang-isip bago sumagot ng OO sa katanungang ito. Ako, mismo ay magpapakatotoo. Bilang isang ina ng limang supling at dahil na rin sa mga tungkuling kaakibat nito, para sa akin ito’y mahirap gawin. Subalit mayroon din kasabihan:”Pag gusto may paraan, pag ayaw may dahilan.” Datapwat ang pagtugon sa Kanyang panawagan ay nangangahulugan din ng pagtanggap ng hamon ng pagiging isang alagad. At sa ganang akin ang pagiging alagad ay napakalaking salita. Hindi mo ito magagampanan kung hanggang salita lamang ang pagsunod mo kay Kristo. Kailangan nang buo mong pusong pagtalima, hindi lamang pahapyaw. Dapat alam mo ang mga turo ni Jesus nang sa gayon ay maibahagi mo ito sa mga tao. Hindi ka lang dapat magaling sa salita, dapat magaling ka rin sa gawa, at naisasabuhay mo ang iyong itinuturo.

Ngayon sa sagot sa tanong na: “Maaari ko bang iwan ang aking lambat at sumunod kay Kristo?” Kung ang Paginoon ang siyang tumatawag, sino ako upang tumanggi? Siyempre, ako’y susunod sa kanyang tawag. 

Sa isang banda at ayon sa aking makakaya, tinuturuan ko ang aking mga anak lumaking mabubuting tao, hindi lamang sa salita kundi sa pamamagitan ng pagiging magandang halimbawa sa iba. Para sa akin. ang pagiging ina ay isa ring anyo ng tawag mula kay Kristo at ang pagiging alagad ay nagsisimula sa tahanan.

Saturday, January 24, 2015

Enero 24, 2015; San Francisco de Sales, obispo at pantas ng Simbahan

Marcos 3:20-21

Pag-uwi ni Jesus, muling nagkatipon doon ang napakaraming tao kaya't hindi na sila nagkaroon ng pagkakataong kumain pa. Nang mabalitaan iyon ng kanyang mga kasambahay, sila'y pumaroon upang sawayin siya dahil sinasabi ng mga tao na siya'y nasisiraan ng bait.


Pagninilay:

Ang pangalang Beelzebul ay hango sa isang prinsipe ng mga demonyo. Noong unang panahon si Jesus ay nanggagamot at nagpapagaling ng mga taong may sakit. Dahil doon, ang mga tao ay nagtataka at sinasabing si Jesus ay sinasaniban ng demonyo. Subalit ang hindi nila alam si Jesus ay Anak ng Diyos at maykapangyarihang magpagaling ng mga may karamdaman. Si Jesus, kasama ang kanyang mga alagad ay pumunta sa iba’t-ibang dako upang magdulot ng kagalingan sa mga taong maysakit at nanampalataya sa kanya.

Samakatuwid, demonyo ang ating kalaban. Sa ating kapaligiran, nandyan ag tukso at pagsuway sa mga kautusan ng Diyos. Ang mga tuksong ito ay ating mapaglalabanan kung tayo ay may malalim na pananampalataya sa Diyos at susunod sa kanyang kalooban. Kaya huwag tayo padaig sa demonyo. Palaging manalangin, magsimba at taimtim na makinig sa Salita ng Diyos, dumalo sa mga Bible Study at sumapi sa mga samahan pangrelihiyoso sa ating parokya upang higit pang lumalim ang ating pananampalataya.

Sa personal kong buhay, napakahulugan ng ebanghelyong ito. Ako noon ay talamak na makasalanan at lahat na yata ng bisyo ay nasa akin na. Matagal rin akong namuhay nang ganito na parang walang mga suliranin na iniisip. Sa buhay na ito na layaw lang ng katawan ang sinusunod, ikatlong bahagi lang ng aking buhay ang sa Diyos na dapat sana ay buong-buo ay sa kanya.

Subalit, dumating ang matinding dagok sa buhay ko na nakapagbago sa akin. Ako’y malubhang nagkasakit at labing apat na araw nanatili sa ospital kasama na ang apat na araw sa ICU. Naging 50-50 wika nga ang buhay ko sa mundo. Sa pamamagitan na rin ng panalangin ng aking pamilya, ako’y gumaling. Inilapit nila ako sa Diyos at humingi ng tawad sa pamamagitan ng pagkukumpisal ng buong-buo. Sabi nga sa akin ng Panginoon “matinding kalabit lamang yan” upang ako’y mamulat at magbago.

Magbuhat noon pinaglalabanan ko ang demonyo at mga kasalanan sa pamamagitan ng paglilingkod sa Diyos ng may katatagan, pananampalataya at pag-ibig. Bukod dito mas pinipili kong makisalamuha sa mga taong may pagmamahal sa Panginoon upang ako’y malayo sa tukso at higit na mapalapit sa Diyos. 

(Paquito S. Samson)


Friday, January 23, 2015

Enero 23, 2015

Marcos 3:13-19

Pagkatapos nito, umakyat si Jesus sa bundok kasama ang mga taong pinili niya at sumunod sa kanya. Buhat sa mga taong iyon ay pumili siya ng labindalawa na tinawag niyang mga apostol. Hinirang niya ang mga ito upang maging kasa-kasama niya at upang suguing mangaral. Sila ay binigyan din niya ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo. Ito ang labindalawang hinirang niya: si Simon, na pinangalanan niyang Pedro; sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo, sila'y tinawag din niyang Boanerges, na ang kahulugan ay "mga anak ng kulog"; sina Andres, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na Makabayan, at si Judas Iscariote na siyang nagkanulo kay Jesus.


Pagninilay:

Ang Mabuting Balita po natin sa araw na ito ay tungkol sa paghirang ng ating Panginoon sa labindalawang Alagad upang makasama Niya at suguing mangaral. Binigyan rin sila ni Jesus ng kapamahalaang magpagaling ng mga sakit at magpalayas ng mga Demonyo. Tulad ng mga Apostol, tayo rin ay hinirang ng Diyos. Tayo ay pinili Niya bilang pinakamahalagang nilalang sa lahat ng Kanyang nilikha dahil nilalang niya tayo katulad at kawangis Niya. Pinili din niya tayong maging tagapamahala ng lahat ng Kanyang nilikha. Ngunit tulad ni Judas Iscariote, hindi tayo sumunod sa Kanya at pinagkanulo rin natin Siya sa pamamagitan ng paggawa ng kasalanan. Kaya tila napalayo tayo sa kanya. Dahil na rin sa pagmamahal ng Diyos sa atin, inalay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak para sa ating kaligtasan. At upang maipahayag ang magandang balitang ito humirang ang Panginoong Jesus ng labindalawang apostol.

Gaya natin makasalanan din tulad natin ang mga apostol. Ngunit kung ating pagninilayan, napili sila dahil sa biyaya at kaloob ng Diyos. Kung tutuusin hindi sila karapat-dapat kung ating pananaw ang ating titignan. Karamihan sa kanila ay mangingisda, hindi matatalino, at walang kaalaman sa pangangaral. Ngunit sa tulong ng Biyaya ng Diyos, naging karapat-dapat silang maging mga alagad Niya at ginampanan nila ito na may pananampalataya at pag-asa.

Tayo, bagamat makasalanan din, ay dapat tumulad sa labindalawang apostol na umahon sa kanilang mga bangka at iniwan ang lahat para sumunod sa kanya. Sana tayo rin bilang mga napiling maging tagasunod ng ating Panginoong Jesus ay makapaghayag at makapagsabuhay rin ng kanyang aral at utos. Humingi tayo ng tulong sa kanya upang magampanan itong may kababaang-loob. Huwag tayong matakot at mag-alinlangan tulad ng mga apostol na hindi natakot mamatay para sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Sa pamamagitan din ng Biyayang binibigay sa atin ng Poong Maykapal, nawa’y maging katulad din tayo ng mga apostol na sa gitna ng kanilang kahinaan ay nagsumikap na sumunod nang tapat sa Diyos.

Thursday, January 22, 2015

Enero 22, 2015

Marcos 3:7-12

Umalis si Jesus at ang kanyang mga alagad at sila'y nagpunta sa tabi ng lawa. Sinundan siya roon ng napakaraming taong buhat sa Galilea, sa Judea, sa Jerusalem, sa Idumea, sa ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon. Sumunod sila kay Jesus dahil nabalitaan nila ang lahat ng ginagawa niya. Dahil napakarami ng mga tao, inutusan ni Jesus ang kanyang mga alagad na maghanda ng isang bangkang masasakyan niya upang hindi siya maipit ng mga taong dumaragsa. Sapagkat marami na siyang pinagaling, dinudumog siya ng lahat ng maysakit upang mahawakan man lamang siya. Bawat taong sinasapian ng masamang espiritu na makakita sa kanya ay nagpapatirapa sa harapan niya at sumisigaw, "Ikaw ang Anak ng Diyos!" Ngunit mahigpit silang inutusan ni Jesus na huwag ipagsabi kung sino siya. 


Pagninilay:

Dahil sa kanyang mga kabutihang ginawa lalo na ang kanyang mga himala, di maiiwasang si Jesus ay maging tanyag at ang pangalan niya’y maging bukambibig. Kahit mga masasamang espiritu ay nakakikilala sa kanya! Ngunit ang Panginoon na huwaran sa kapakumbabaan ay nanatiling mailap sa tawag ng katannyagan. Mas nais pa niyang hindi siya kilala at ang Ama lamang ang papurihan at pasalamatan. Ito ang siyang nararapat na pag-uugali ng isang lingkod ng Diyos na nais ng Panginoon na ating tularan, naglilingkod sa ikaluluwalhati ng Diyos, hindi sa ating sariling katanyagan.

Sa akin bang paglilingkod sa Diyos tanging kaluwalhatian ba lamang ang aking ninanais o ako’y naglilingkod upang makilala at maging tanyag?



Wednesday, January 21, 2015

Enero 21, 2015; Santa Agnes, dalaga at martir

Marcos 3:1-6

Muling pumasok si Jesus sa sinagoga. Naratnan niya roon ang isang lalaking paralisado ang isang kamay. May ilang taong naroroon at inaabangan kung pagagalingin ni Jesus ang lalaking iyon sa Araw ng Pamamahinga, upang may maiparatang sila laban sa kanya. Tinawag ni Jesus ang lalaking paralisado ang kamay, "Halika rito!" Pagkatapos, tinanong naman niya ang mga tao, "Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti, o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay, o ang pumatay?"

Ngunit sila'y hindi sumagot. Tiningnan ni Jesus ang mga taong nakapaligid sa kanya. Galit at lungkot ang naramdaman niya dahil sa katigasan ng kanilang mga puso. Pagkatapos, sinabi niya sa maysakit, "Iunat mo ang iyong kamay." Iniunat naman ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling. Umalis ang mga Pariseo at agad nakipagsabwatan sa mga tagasunod ni Herodes upang maipapatay si Jesus.


Pagninilay:

Ang mga Pariseo ay walang pagkakaiba sa isang lalaking paralisado ang isang kamay na nadatnan ni Jesus sa loob ng sinagoga. Ang lalaki ay hindi maikilos ang kamay at hindi makagawa, samantalang ang mga Pariseo nama’y hindi makapagmahal at makaunawa ng kanilang kapwa dahil sa paralisado nilang pusong pinatigas ng inggit at kapalaluan. Subalit mas mapalad ang lalaki dahil siya ay nanampalataya at sumunod kay Jesus. Dahil dito ang paralisado niyang kamay ay pinagaling ng Panginoon. Sa kabilang dako naman ang paralisadong puso ng mga Pariseo ay lalo pang tumigas dahil sa inggit at pagkamuhi nila sa Panginoon.

Marami sa atin ang may mga paralisadong puso tulad ng mga Pariseo – mga pusong walang buhay dahil sa poot, inggit, pagkagahaman at pagnanasa. Ang mga ito’y naninigas dahil ang nakikita lamang ang sarili at kung paano ito mas higit pa mapagsislbihan sa pamamagitan ng walang habas na pag-angkin ng yaman, kapangyarihan at katanyagan. Hindi nito nakikita ang Diyos at ang kapwa kaya ito’y hindi makapagmahal. Subalit ang mga pusong paralisado ay maaaring gumaling tulad ng paralisadong kamay ng lalaki sa ebanghelyo. Ang kailangan lamang ay manalig sa Panginoong Jesus at buong pagpapakumbabang iaalay ang mga paralisadong puso ng ito’y mahilom ng mapagmahal na puso ni Jesus. 

Ako ba’y may pusong buhay na puno ng pag-ibig ng Diyos o ang puso ko ba’y paralisado at puno ng inggit at pagkamuhi tulad ng sa mga Pariseo sa ebanghelyo?

Tuesday, January 20, 2015

Enero 20, 2015

Marcos 2:23-28

Isang Araw ng Pamamahinga, naparaan si Jesus at ang kanyang mga alagad sa triguhan. Habang sila'y naglalakad, ang mga alagad ay pumipitas ng uhay. Sinabi ng mga Pariseo kay Jesus, "Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Mahigpit iyang ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga!"

Sinagot naman sila ni Jesus, "Hindi pa ba ninyo nababasa ang ginawa ni David noong panahong si Abiatar ang pinakapunong pari? Nang si David at ang kanyang mga kasama'y magutom at walang makain, pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog sa Diyos. Binigyan pa niya ang kanyang mga kasamahan. Ayon sa Kautusan, ang mga pari lamang ang may karapatang kumain niyon."

Sinabi rin ni Jesus, "Itinakda ang Araw ng Pamamahinga para sa ikabubuti ng tao; hindi nilikha ang tao para sa Araw ng Pamamahinga. Ang Anak ng Tao ay siyang Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.”


Pagninilay:

Ibinigay ng Diyos sa atin ang lahat ng pagkakataon para sa ating sarili. Nasa pamamahala natin ang lahat ng oras subalit hindi natin alam ang tamang paggamit nito. Nauubos natin ang lahat ng oras o panahon para sa pansariling kapakanan. Abala tayo sa mga gawain para sa makamundong pangangailangan, mga materyal na bagay na palamuti lamang sa buhay sa mundong ito. Nag-uunahan tayo na makalamang sa kapwa upang higit na maging makapangyarihan sa kapwa natin. Wala tayong panahon upang pasalamatan ang mga bagay o biyayang dumarating sa buhay natin, maging ito man ay maliit o malaki. Hindi natin alintana ang kapwa natin sa paligid. Nalimutan natin na may mga taong nangangailangan sa atin. Nakalimutan natin na upang mabuhay sa mundo kailangan natin ang ating kapwa, hindi upang kumpetensyahin o gamiting hagdan sa pag-unlad, kundi upang maging katuwang na pamahalaan ang kapaligiran, na may pagmamahalan sa isa’t – isa. Hindi nga ba’t ito naman ang nakapaloob sa buong kautusan ng Diyos, ang mahalin ang Diyos at kapwa?

Ang pagmamahal sa kapwa ay pagmamahal sa Diyos, kaya’t ang mabuting nagawa sa kapwa ay kabutihan at pagmamahal din sa Diyos. Ang araw ng pamamahinga ay gawing makabuluhan sa pamamagitan ng paggawa nang mabuti sa kapwa. Ang sabi nga Niya, “maging ang araw ng pamamahinga ay nasa kapangyarihan ng Anak ng Tao.” Huwag natin itong sayangin, huwag natin gamitin ito para sa sarili lamang, bagkus, gamitin natin ito para sa kabutihan ng kapwa, at sa ikaluluwalhati ng Diyos.

(Clarita de los Santos)


Monday, January 19, 2015

Enero 19, 2015

Marcos 2:18-22

Minsan, nag-aayuno ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo at ang mga Pariseo. May lumapit kay Jesus at nagtanong, "Bakit po hindi nag-aayuno ang inyong mga alagad, samantalang ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo at ang mga Pariseo ay nag-aayuno?" 

Sumagot si Jesus, "Dapat bang mag- ayuno ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Hindi! Hangga't kasama nila ito, hindi nila gagawin iyon. Ngunit darating ang araw na ilalayo ito sa kanila, at saka pa lamang sila mag-aayuno. 

"Walang nagtatagpi ng bagong tela sa isang lumang damit sapagkat kapag umurong ang bagong tela, mababatak ang tinagpian at lalong lalaki ang punit. Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat sapagkat papuputukin lamang ng alak ang sisidlang-balat, at kapwa masasayang ang alak at ang sisidlan. Sa halip, ang bagong alak ay inilalagay sa bagong sisidlang-balat!” 


Pagninilay: 

Sa ganang akin ang pinakamahusay na pagsambang magpapahayag ng pag-ibig ko sa Diyos ay nakabatay sa mga kaaranasan at pagkataong ipinagkaoob Niya sa akin. Ang hinahanap ng ating Ama ay yaong payak at tapat sa kanilang sariling sumasamba sa harapan Niya. Ito ang kalugod-lugod sa Diyos. Kung ako’y pagod at at walang ganang magdasal subalit pinili ko pa rin ang manalangin at sumamba sa kanya bilang pagsunod sa kanyang kalooban, ako’y nag-aalay ng sakripisyong kaaya-aya sa Diyos. 

(Myrna C. Guzman) 

Saturday, January 17, 2015

Enero 17, 2015; San Antonio, abad

Marcos 2:13-17

Muling pumunta si Jesus sa baybayin ng Lawa ng Galilea. Sinundan siya roon ng napakaraming tao at sila'y kanyang tinuruan. Pagkatapos nito, nagpatuloy si Jesus sa kanyang paglalakad at nakita niyang nakaupo sa paningilan ng buwis si Levi na anak ni Alfeo. Sinabi sa kanya ni Jesus, "Sumunod ka sa akin." Tumayo naman si Levi at sumunod nga sa kanya.

Nang si Jesus at ang kanyang mga alagad ay kumakain sa bahay ni Levi, kasalo nilang kumakain ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanang sumunod sa kanya. Nang makita ito ng ilang tagapagturo ng Kautusan na kabilang sa pangkat ng mga Pariseo, a tinanong nila ang kanyang mga alagad, "Bakit siya kumakaing kasama ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?"

Narinig ito ni Jesus kaya't siya ang sumagot, "Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. Naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga matuwid.”


Pagninilay:

Hindi pangkaraniwan sa kultura ng mga Hudyo ang makasalo sa isang piging o handaan ang mga “makasalanan” at maniningil ng buwis. Isang malaking iskandalo para sa kanila lalo na sa mga Pariseo na makisalamuha man lamang sa itinuturing nilang walang ginagawang mabuti at mga taksil sa bayan. Ngunit sinabihan sila ni Jesus na higit Siyang kailangan ng mga ito upang sila namn ay makaranas ng kagalingan ng kanilang espiritu at walang hanggang pag-ibig ng Diyos.

Bawat isa sa atin ay inaatasan ng Diyos na sumunod sa kanyang mga yapak. Matanda man o bata, lalaki o babae may asawa o wala, may hanap – buhay o wala – lahat ay inanyayahan na kaniyang maging alagad. Isang malaking pagpapala ang mabigyan ng pagkakataon na mapabanal ang sarili kung siya ay magiging isang manggagawa sa kaniyang ubasan. At maraming paraan ng paglilingkod sa Panginoong Hesus ayon sa mga talentong ipinagkaloob Niya.

Sa kabila ng aking kahinaan at kakulangan , nagpapasalamat ako sa Panginoong Diyos at ako ay napahintulutan magsilbi sa Diyos sa pamamagitan ng isang Catholic Charismatic Community bilang Pastol at gabay ng isang maliit na kalipunan o Word Sharing Circle at maging kasapi ng isang religious organization tulad ng Lectors and Commentators Ministry” at Vespers Choir.

(Yoly Correa)

Friday, January 16, 2015

Enero 16, 2015

Marcos 2:1-12

Pumasok si Jesus sa Templo. Habang siya'y nagtuturo doon, lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang mga pinuno ng bayan, at siya'y tinanong, "Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng karapatang gumawa nito?" Sumagot si Jesus, "Tatanungin ko rin kayo. Kapag sinagot ninyo ang tanong ko, saka ko sasabihin sa inyo kung ano ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito. Kanino nagmula ang karapatan ni Juan upang magbautismo, sa Diyos ba o sa tao?" Kaya't sila'y nag-usap-usap, "Kung sasabihin nating mula sa Diyos, sasabihin naman niya sa atin, 'Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?' Ngunit kung sasabihin nating mula sa tao, baka naman kung ano ang gawin sa atin ng mga taong-bayan, sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta." Kaya't sumagot sila kay Jesus, "Hindi namin alam!" Sinabi naman niya sa kanila, "Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung ano ang karapatan kong gumawa ng mga ginagawa ko.”


Pagninilay:

Marami ang tao at si Jesus ay nasa loob ng bahay na marahil ay may ginagawang mahalagang bagay. Habang siya’y naroon, bigla na lamang natanggal ang bubong ng bahay at isang paralitiko ang inihulog sa kanya. Ang ganitong sitwasyon sa ating paningin ay hindi kaaya-aya. Una, sinira nila ang bubong ng bahay ng iba na sadyang hindi tama. Isa pa, binulabog nila ang katahimikan ni Jesus at ng may-ari ng bahay. Malamang tayo’y magagalit sa kanila at sila’y ating sisigawan at ipagtutulakan dahil sa kawalan nila ng magandang asal. Subalit si Jesus ay taliwas ang pananaw sa nasabing sitwasyon. Sa halip na makita ang kapangahasan o kawalan ng modo ng apat na lalaki tulad natin, ang nakita niya sa kanila ay ang malalim na pananampalataya at pagmamahal sa kapwang may karamdaman. At dahil sa kanilang walang pasubaling pananampalataya kay Jesus ang paralitikong inilapit nila sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtuklap ng bubong upang dito’y dumaan dahil sa dami ng tao ay Kanyang pinagaling.

Karaniwan na sa atin ang ituon ang ating paningin sa kung anong negatibo sa bawat sitwasyon. Kung kaya naman malimit tayong magreklamo. Mahirap ang buhay, masama ang pamahalaan, matrafic at kung ano pang litaniya ng mga hinaing.

Subalit sa ebanghelyo ngayon at sa pamamagitan ng kanyang halimbawa, tayo’y tinuturuan ng Panginoong Jesus na tumingin at pahalagahan ang maganda o mabuti sa bawat sitwasyon, nang sa gayon tayo’y hindi nabubugnot at tayo’y may kapayapaan at katiwasayan sa buhay.

Ako ba’y yaong uri ng tao positibo o ako ba’y yaong pawang negatibo o masama ang nakikta sa aking kapwa at sa bawat sitwasyon? 



Thursday, January 15, 2015

Enero 15, 2015; San Pablo Unang Ermitanyo, patron ng Diyosesis ng San Pablo

Marcos 1:40-45

At naparito si Juan na isinugo ng Diyos upang magpatotoo sa mga tao patungkol sa ilaw at upang ang lahat ay sumampalataya dito. Hindi siya ang ilaw subalit naparito siya upang magpatotoo patungkol sa ilaw. Ang mga pinuno ng mga Judio sa Jerusalem ay nagsugo ng ilang paring Judio at Levita upang itanong kay Juan kung sino nga ba siya. Hindi nagkaila si Juan; sa halip ay maliwanag niyang sinabi, Hindi ako ang Cristo. “Sino ka kung gayon?” tanong nila. “Ikaw ba si Elias?” “Hindi ako si Elias”, tugon niya. “Ikaw ba ang Propeta?” Sumagot siya, “Hindi rin.” “Sino ka kung gayon? Sabihin mo kung sino ka upang may masabi naman kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” tanong nilang muli. Sumagot si Juan sa pamamagitan ng pangungusap mula sa aklat ni Propeta Isaias, “Ako ang tinig ng isang taong sumisigaw sa ilang, tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon.” Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. Muli nilang tinanong si Juan, "Bakit ka nagbabautismo, gayong hindi naman pala ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang Propeta?" Sumagot si Juan, "Ako'y nagbabautismo sa tubig, ngunit nasa inyong kalagitnaan ang isang hindi ninyo nakikilala. Darating siyang kasunod ko subalit hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas." Ang mga ito'y nangyari sa Bethania, sa silangan ng Ilog Jordan na pinagbabautismuhan ni Juan.


Pagninilay:

Ang kwentong ito tungkol sa isang ketongin na buong pagmamakaawang hiniling kay Jesus na siya’y pagalingin ay nagpapatotoo na ang Diyos ay Diyos ng habag at awa. Ipinapakita ng Diyos na ang kanyang pag-ibig at awa ay saganang ipinagkakaloob sa bawat nilalang na humihingi nito sa kanya lalong-lalo na kung hinihiling nang buong pagpapakumbaba. Ang ketongin ay nanikluhod sa harapan ni Jesus, humingi ng awa at ito’y pinagkaloob.

Ang ganitong uri ng habag at awa ng Diyos ay ipinahiwatig niya sa aking mag-anak nang ang aking maybahay na si Clemen ay malubhang nagkasakit at naospital. Sa gitna ng sakit at hirap taos puso kong hiniling ang tulong ng Diyos sa pamamagitan ng panalangin ni San Jose na si Clemen ay pagalingin. Salamat sa Diyos si Clemen ay gumaling at buhay na patotoo sa walang hangganang pag-ibig niya sa amin. Hindi dito nagtapos ang awa sa amin ng Panginoon. Si Clemen noon ay kailangang sumailalim ng panghuling pagsusuri hinggil sa bukol sa kanyang dibdib. Ngunit bago siya magpatingin sa doktor, kami’y inanyayahang ng aming kaibigang pumunta sa Kamay ni Jesus sa Lucban at ipanalangin ang kagalingan ng aking maybahay. Malaking himala! Nang kami ay pumunta sa ospital sa pinagkasunduang petsa walang anumang bahid ng bukol ang nakita sa resulta ng x-ray!

Ang ikatlong himala ay naganap noong nakaraang taon. Ayon sa mga doctor si Clemen, ay mayroon kanser sa balat kaya’t nangailangan siyang operahan. Ayon sa resulta ng biopsy ito ay benign at hindi na kailangang sumailalim sa chemo/radio therapy. Purihin ang Diyos! Ang aking mag-anak ay buhay na patotoo sa walang hanggang kabutihan ng Maykapal!.

Ang saganang awa at habag na ito ng Diyos ang nais ipalaganap ng ating Santo Papang, Pope Francis. Kaya naman hinihikayat niya ang lahat na magkawanggawa at maging mahabagin sa kapwa. Ang ganitong uri ng pagiging makaDiyos ang nais mamalas ng Santo Papa sa pagdalaw niya sa Pilipinas sa Enero 2015 dahil ang tunay na pagpapalaganap ng Salita ng Diyos ay ang pakikiisa ng sangkatauhan sa awa at habag ng Diyos.

(Antonio G. Barrameda Sr.)



Wednesday, January 14, 2015

Enero 14, 2015

Marcos 1:29-39

Mula sa sinagoga, si Jesus, kasama sina Santiago at Juan, ay nagtuloy agad sa bahay nina Simon at Andres. Noon ay nakahigang nilalagnat ang biyenan ni Simon at ito'y agad nilang sinabi kay Jesus. Kaya't nilapitan ni Jesus ang babae, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Noon di'y gumaling ito at naghanda ng pagkain para sa kanila.

Pagsapit ng gabi, pagkalubog ng araw, dinala kay Jesus ang lahat ng maysakit at ang mga sinasapian ng demonyo. Halos lahat ng mga tagaroon ay nagkatipon sa harap ng bahay. Pinagaling ni Jesus ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman. Pinalayas din niya ang mga demonyo, at hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito sapagkat alam nila kung sino siya.

Madaling-araw pa'y bumangon na si Jesus at nagpunta sa isang lugar kung saan maaari siyang manalanging mag-isa. Hinanap siya ni Simon at ng mga kasama nito, at nang matagpuan siya ay sinabi nila, “Hinahanap po kayo ng mga tao.” Ngunit sinabi niya sa kanila, “Kailangang pumunta rin tayo sa mga karatig-bayan upang makapangaral ako roon. Ito ang dahilan ng pagparito ko.” Nilibot nga ni Jesus ang buong Galilea. Nangaral siya sa kanilang mga sinagoga at nagpalayas ng mga demonyo.


Pagninilay:

Sa aking pagbasa ng ebanghelyo ayon kay San Marcos, dalawang mensahe ang aking nabatid. Una, si Jesus ay handang tumulong. Pangalawa, ang tulong ni Jesus ay para sa lahat. Si Jesus ay walang paboritismo. Hindi siya nagbibigay sa mga piling tao lamang kundi ginagawan rin niya ng paraan upang makatulong sa lahat sa abot ng kanyang makakaya.

Sa panahon natin ngayon lalo na sa Pilipinas, kung saan laganap ang sakuna, trahedya at kahirapan, ang salitang tulong ay madalas na nating naririnig, sinasabi at ginagawa. Subalit ang tulong ba na alam at ginagawa natin ay siyang tulong alinsunod sa halimbawa ni Jesus?

Dapat nating tandaan, na ang pagtulong ay dapat taos-puso. Sa tuwing magbibigay tayo ng limos sa pulubi matapos mo siyang pagsabihan ng tamad o mabaho o sa tuwing pagwawagayway natin ng limang daang piso bago ilagay sa buslo tuwing misa para lang makita ng iba, ito ba ay taos-puso?

Ang tulong ay para sa lahat ng nangangailangan. Mahirap man tulungan ang taong kaaway, ngunit kung siya ay nangangailangan, dapat natin itong tulungan. Marami mang tao ang hindi naglalaan ng oras, pera at kakayanan para sa ibang taong hindi nila kaano-ano, huwag natin silang pamarisan.

Marahil may mga nagsasabing “madali kasing tumulong si Jesus dahil siya ay Diyos”. Oo nga! Si Jesus ay totoong Diyos ngunit siya rin ay totoong tao tulad natin. Maliban dito, hindi natin kailangan ang kapangyarihan ni Jesus bilang Diyos upang makatulong sa kapwa. Kailangan lang natin gayahin ang kabaitan niya bilang tao, na siya niyang nais para sa atin. At ang nais lang naman ni Jesus ay tumulong tayo sa lahat nang nangangailangan, sa abot ng ating makakaya nang walang pag-iimbot.

Ang kabaitan ni Jesus bilang tao, tulad nang kanyang pagtulong at pagmamalasakit sa kapwa ay kaya nating tularan at isagawa.



Tuesday, January 13, 2015

Enero 13, 2015; San Hilario, obispo at pantas ng Simbahan

Marcos 1:21-28

Nagpunta sina Jesus sa Capernaum, at nang sumunod na Araw ng Pamamahinga ay pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. Namangha ang mga tao sapagkat nagtuturo siya nang may kapangyarihan, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan.

Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking sinasapian ng masamang espiritu. Ito'y sumigaw, “Ano ang pakay mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang kami'y puksain? Kilala kita, ikaw ang Banal na mula sa Diyos.”

Ngunit iniutos ni Jesus sa masamang espiritu, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!” Pinangisay ng masamang espiritu ang lalaki at sumisigaw itong lumabas sa kanya. Ang lahat ay namangha kaya't sila'y nagtanungan sa isa't isa, “Paanong nangyari iyon? Ito ay isang kakaibang katuruan! Makapangyarihan niyang nauutusan ang masasamang espiritu, at sumusunod naman ang mga ito sa kanya." Dahil dito, mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Jesus.


Pagninilay:

Kung ating iniisip na ang taong banal ay malayo sa demonyo o sa masamang espiritu, tayo’y nagkakamali. Ang masasamang espiritu ay higit na lumalapit sa mga taong malapit sa Diyos tulad ng Panginoong Hesus na nilapitan ng isang masamang espiritung nakasapi sa isang lalaki. 

Hindi lang iyon. Ang masamang espiritu ay mapaglinlang. May kapangyarihang ito magpuri sa Diyos kaya’t kung di tayo mapanuri at wala sa atin ang Banal na Esiritu hindi natin ito matatanto at tayo ay kanyang malilinlang at mailalayo sa tunay na kalooban ng Diyos para sa atin. Subalit ang Panginoong Jesus ay higit na makapangyarihan sa masamang espiritu. Tanto niya ang masamang pakay nito – ang gambalain ang mga nakikinig at ilayo ang atensyon nila sa Salita ng Diyos. Kaya’t ito’y kanyang pinalayas sa katawan ng lalaki at ang masamang espiritu naman ay dali-daling sumunod. Dahil dito ang mga tao ay lalong namangha sa Panginoong Jesus. 

Tayo man ay nahaharap sa masasamang espiritu araw – araw. Ito ay nagkukubli sa anyo ng katamaran, galit, pagkagahaman, tawag ng laman at kapalaluan. Bilang mananampalataya madali ko bang nakikita ang masasamang espiritung ito? Kung ito’y aking nakikita pinagsusumikapan ko ba itong mapalayas sa pamamagitan ng panalangin at mabuting gawa? O ako ba’y nagpapaalipin na lamang sa masasamang espiritung ito?



Monday, January 12, 2015

Enero 12, 2015; Lunes sa Unang Linggo ng Karaniwang Panahon

Marcos 1:14-20

Nang ibinilanggo na si Juan, si Jesus ay nagpunta sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balitang mula sa Diyos. Sinabi niya, “Dumating na ang takdang panahon. Malapit nang maghari ang Diyos! Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan. Paniwalaan na ninyo ang Magandang Balita!” Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon at Andres na nanghuhuli ng isda sa pamamagitan ng lambat. Sila'y kapwa mga mangingisda. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at kayo'y gagawin kong mangingisda ng mga tao.” Pagkasabi niya nito'y agad iniwan ng magkapatid ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya. 

Nagpatuloy siya sa paglalakad, at sa di-kalayuan ay nakita naman niya ang magkapatid na Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa kanilang bangka at nag-aayos ng mga lambat. Tinawag din sila agad ni Jesus at sila ay sumunod din sa kanya. Iniwan nila sa bangka ang kanilang ama na kasama ang kanilang mga upahang manggagawa. 


Pagninilay:

Ngayon, hindi kahapon, bukas o mamaya ang tamang panahon ng Diyos. Nang tinawag ng Panginoong Jesus ang magkapatid na Simon at Andres; at Santiago at Juan hindi nila sinabing bukas o mamaya na lang po Panginoon. Sila ay walang atubiling sumunod ngayon.

Ang bawat minuto ay may kaakibat na biyaya na kung ating palalampasin ay maaaring mawala. Sa agarang pagsunod ngayon nina Simon, Pedro, Santiago at Juan, hindi lamang nila nakamit ang biyayang maging alagad ng Panginoon at masayang makabahagi sa kanyang panglupang buhay kundi nakamit din nila ang isang buhay na walang hanggan kapiling Niya. Kung ipinabukas o mamaya nila ang pagtugon malamang di nila ito nakamit sapagkat sila’y maaring tamarin o mawalan nang gana o ang Panginoon ay may napili nang iba. 

Kung ako’y tinatawag ng Panginoong Jesus sa pagtupad ng aking mga gawain sa araw-araw, ito ba’y ginagawa ko kaagad ngayon katulad ng agarang pagsunod sa kanyang tawag ng mga alagad na si Andres, Simon, Santiago at Juan?

Sunday, January 11, 2015

Enero 11, 2015; Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon

Marcos 1:7-11

Ito ang ipinapahayag niya sa mga tao, “Ang darating na kasunod ko ay higit na makapangyarihan kaysa sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat yumukod at magkalas man lamang ng tali ng kanyang sandalyas. Binautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babautismuhan niya kayo sa Espiritu Santo.” Nang panahong iyon, dumating si Jesus mula sa Nazaret sa Galilea, at siya'y binautismuhan ni Juan sa Ilog Jordan. Pagkaahung-pagkaahon ni Jesus sa tubig, nakita niyang bumukas ang kalangitan at bumababa sa kanya ang Espiritu na tulad ng isang kalapati. Narinig niya ang isang tinig na mula sa langit at nagsasabing, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”


Pagninilay:

Isinasaad sa ebanghelyong ito na si Jesus ay tumulong sa isang taong may malubhang karamdaman. Hindi humingi ng kapalit si Hesus sa pagpapagaling niyang isinagawa sa may sakit at hindi pa niya gustong malaman na naipagaling niya ito. Ito’y sapagkat ang kanyang ginawang pagtulong ay taos puso niyang ginawa para sa kanyang kapwa. 

Sa panahon ngayon marami siguro sa paligid natin ang humihingi ng tulong sa atin. Kadalasan, hindi natin sila pinapansin, hindi natin tinutulungan, o kaya nama’y hinihingan pa natin ng kapalit ang nagawa nating pagtulong sa kanila. Minsan, hindi natin naiisip na ang maliit na tulong na maiaabot natin sa ating kapwa ay malaking bagay na sa kanila. Minsan, ayaw natin tumulong sa kadahilanang ayaw natin mapahamak, ayaw nating may pinoproblema pa o dahil ayaw lang talaga nating tumulong. 

Maraming pagkakataon na ito’y aking naranasan. Matulungin akong tao, pero hindi ako ganoon lagi sa aking kapwa. Nung isang araw habang ako’y naglalakad papasok sa aking opisina, may nakita akong matanda na nanghihingi ng limos, dala - dala niya ang kanyang medical transcription na listahan ng kanyang mga gamot. Wari ko’y nanghihingi siya ng limos para may mabiling gamot. Hindi ko makalimutan ang pangyayaring yun dahil hindi ko siya nabigyan ng ano mang pera, dahil nagmamadali na akong pumasok. Pero pagkalagpas ko sa kanya ako’y lalong naawa at napaisip ng malalim na sana’y nabigyan ko man lang siya ng pera. Napaluha na lang ako nang maalala kong wala na siyang pamilya at may sakit pa, na nanghihingi ng tulong sa iba at di ko man lang nagawang tulungan siya. Ipinagdasal ko ang taong yun nung nakita ko siya at sinabi ko sa Diyos na “Sana po’y pagalingin niyo na siya.” Sa pamamagitan na lang ng dasal ko naibigay ang tulong ko sa kanya. Simula noon, hindi ko na ulit nakita ang matanda. Andoon pa rin ang pagsisisi ko na di ko siya nagawang tulungan. 

Kaya kung may mga tao sa paligid natin na nanghihingi ng tulong, tulungan natin. Kahit sa maliit na paraan lamang, may maitutulong pa rin tayo sa kanilang malaki. Kung natulungan ko lang ang matandang yun, baka nakita ko pa siya ulit. Sana kapag may humihingi ng tulong sa atin ay wag natin balewalain at higit sa lahat, tumulong tayo ng taos puso sa ating kapwa ng walang hinihinging kapalit at nang hindi ipinagmamalaki sa iba, katulad ng ginawang pagtulong ni Hesus sa taong may sakit.


Saturday, January 10, 2015

Enero 10, 2015

Juan 3:22-30

Pagkatapos nito, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa lupain ng Judea. Nanatili sila roon nang kaunting panahon, at nagbabautismo ng mga tao. Samantala, si Juan ay nagbabautismo naman sa Enon, malapit sa Salim, sapagkat maraming tubig doon. Pumupunta sa kanya ang mga tao at nagpapabautismo. Hindi pa noon nabibilanggo si Juan.

Minsan, nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol sa rituwal ng paglilinis. Kaya't pumunta sila kay Juan at sinabi sa kanya, Guro, naaalala pa po ba ninyo ang lalaking kasama ninyo sa ibayo ng Jordan, na inyong pinatotohanan? Siya po ay nagbabautismo rin at nagpupuntahan sa kanya ang lahat!

Sumagot si Juan, Walang sinumang tatanggap ng anuman malibang ito'y ipagkaloob sa kanya ng Diyos. Kayo mismo ang makakapagpatunay na sinabi kong hindi ako ang Cristo; isa lamang akong sugo na mauuna sa kanya. Sa isang kasalan, ang babaing ikakasal ay para lamang sa lalaking ikakasal. Ang abay na naghihintay sa pagdating ng lalaking ikakasal ay lubos na nagagalak kapag narinig niya ang tinig nito. Gayundin naman, lubos na ang aking kagalakan ngayon. Kinakailangang siya ang maging dakila at ako nama'y maging mababa.

Pagninilay:

Ang kapakumbabaan ay katotohanan, at ang kapalaluan ay kasinungalingan. Si Juan ay panig sa katotohahan at mapagkumbaba dahil sinasabi lamang niya ang totoo: Na hindi siya ang Kristo at isa lamang siyang sugong mauuna sa kanya at ang misyong ito ay kaloob sa kanya ng Diyos na kanya lamang sinusunod. Kung si Juan ay napatukso sa tawag ng kapalaluan o kayabangan na napakadali dahil marami rin siyang tagasunod gaya ni Jesus, nagsinungaling sana siya at buong pagpapanggap na sinabi: “Oo ako ang Kristo dahil ako ay maraming tagasunod na naniniwala sa akin.” Ngunit hindi ito ginawa ni Juan dahil siya ay nasa panig ng katotohahan dahil ang Diyos mismo ay katotohanan. At kung si Juan man ay totoo at mapagkumbaba, at hindi sinungaling at palalo, ito’y dahil sa ang kanyang buhay ay nakatuon sa Diyos at nakaugat sa panalangin. Sa kabilang dako yaong mga sinungaling at palalo ay nakasentro lamang sa kanilang sarili.

Ako ba’y tulad ni Juan na mapagkumbaba at namumuhay sa katotohanan o ako ay palalo at namumuhay sa pagpapanggap at kasinungalingan? Saang aspeto ng aking buhay ako hindi totoo? 



Friday, January 9, 2015

Enero 9, 2015

Lucas 5:12-16

Nang si Jesus ay nasa isang bayan, nakita siya ng isang lalaking ketongin. Nagpatirapa ito at nakiusap, “Panginoon, kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis.”

Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Nais kong gumaling ka at luminis!” At noon di'y nawala ang kanyang ketong. Pinagbilinan siya ni Jesus, “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay pumunta ka sa pari at magpasuri. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog ayon sa iniuutos ni Moises bilang patotoo sa mga tao na ikaw nga'y magaling na.”

Ngunit lalo pang kumalat ang balita tungkol kay Jesus, kaya't dumaragsa ang napakaraming tao upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga sakit. Ngunit si Jesus naman ay pumupunta sa mga ilang na lugar upang manalangin.


Pagninilay:

Ako’y nanirahan dati sa isang lugar na di kalayuan sa Tala, Leprosarium, isang ospital at tahanan ng mga ketongin sa Novaliches, Caloocan City. Minsan, may mga ketonging sumasakay ng dyip. Kapag, nakikita ito ng mga pasahero, sila’y umiiwas at hindi sumasakay sa takot na sila’y mahawaan ng ketong. Hindi lamang ito, kahit sila saan magpunta sila’y nilalayuan ng mga tao, pinandidirihan.

Ang mga may ketong ay sadyang kahabag-habag, hindi dahil mismo sa kanilang karamdaman, kundi sa pagtakwil sa kanila ng kanilang kapwa na dapat sana’y kumakalinga sa kanila. Ang ikaw ay ituring na salot at kadiri-diri ay mas masakit kaysa sa sa karamdaman ng ketong. Ang pagdurusang ito marahil ang nagtulak sa ketongin na lumapit sa Panginoon upang siya’y mapagaling nang sa gayon ay muli siyang matanggap ng kanyang kapwa at ng lipunan.

Ang pagdurusang ito ay damang-dama ng mahabaging puso ng Panginoon. Bagama’t pinagbabawal sa mga Hudyo ang lumapit sa mga ketongin dahil sa tinuturing silang marumi si Jesus ay hindi lamang lumapit, bagkus hinawakan pa ito at pinagaling. Di niya inalintana ang inaasahang panlilibak ng mga Pariseo at ng kapwa niya Hudyo. Hindi siya nandiri at pinadama niya ang awa, habag at pagmamahal na kinakailangan ng ketonging iyon. At dahil sa mapagpagaling na pagmamahal ni Jesus ang ketongin ay gumaling.

Bilang mga Kristyano, nadarama ba natin ang paghihirap ng kalooban ng ating kapwa katulad ng Panginoong Jesus? Nahahabag ba tayo sa kanilang kalagayan at ipinadarama ba natin ang ating pagmamahal sa pamamagitan ng pagtulong at pagkalinga sa kanila? O di naman, tayo ba’y nagbibing-bingihan at nagbubulagan lamang dahil ayaw natin maabala?



Thursday, January 8, 2015

Enero 8, 2015

Lucas 4:14-22a


Bumalik sa Galilea si Jesus na sumasakanya ang kapangyarihan ng Espiritu. Napabalita sa mga karatig-bayan ang tungkol sa kanya. Nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga at hinahangaan naman siya ng lahat.

Umuwi si Jesus sa Nazaret, ang bayan na kung saan siya lumaki. Gaya ng kanyang nakaugalian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumayo siya upang bumasa, at doo'y ibinigay sa kanya ang kasulatan ni Propeta Isaias. Binuksan niya ito sa dakong kinasusulatan ng ganito: “Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin, sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila'y lalaya, at sa mga bulag na sila'y makakakita. Isinugo ako upang palayain ang mga inaapi, at upang ipahayag na darating na ang panahon ng pagliligtas ng Panginoon.”

Inirolyo niya ang kasulatan, at matapos isauli sa tagapag-ingat, siya'y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga, at sinabi niya sa kanila, “Ang kasulatang ito na inyong narinig ay natupad ngayon.” Pinuri siya ng lahat, at humanga sila sa kanyang napakahusay na pananalita. “Hindi ba ito ang anak ni Jose?” tanong nila.


Pagninilay:

Ano man ang misyon natin sa buhay, o ano man ang tawag sa atin ng Diyos kailangan natin ang tatag ng loob upang ito’y isakatuparan. Subalit ang tapang humarap sa mga hamon na ating susuungin ay hindi natin makukuha o makakamit lamang sa sarili nating galing o kalakasan. Bagama’t ito’y magbibigay sa atin ng tiwala sa sarili na kakailanganin natin sa ating misyon, darating din ang oras na tayo’y manghihina dahil ito ang katangian natin bilang tao. Bilang mga nilalang ang ating galing at kalakasan ay may hangganan. Sa tapat at matagumpay na pagtupad ng ating misyon, maging ito ay pagiging doktor, guro, pari, madre o pagiging magulang man kailangan natin ng kalakasan at karunungang magmumula sa Diyos. Subalit ito’y atin lamang makakamit kung tayo’y papasailalim sa gabay ng Banal na Espiritu sa isang buhay - panalangin tulad ni Jesus na kumilos hindi ayon sa kanyang kagustuhan kundi ayon sa kalooban ng Diyos.

Sa atin bang pang araw – araw na pagtupad ng ating misyon, tayo ba’y nagpapailalaim sa patnubay ng Diyos tulad ng Panginoong Jesus o tanging nagtitiwala lamang sa atin sariling lakas at galing? 



Wednesday, January 7, 2015

Enero 7, 2015

Marcos 6:45-52

Agad  pinasakay  ni  Jesus  sa  bangka  ang  kanyang  mga alagad.  Sila  ay  pinauna  niya  sa Bethsaida,  sa  kabilang ibayo  ng  lawa,  habang  pinapauwi  naman  niya  ang mga tao. Matapos magpaalam, umakyat siya sa bundok upang manalangin. Nang sumapit ang gabi, nasa laot na ang bangka, habang si Jesus naman ay nagiisa sa pampang. Nakita niyang nahihirapan sa pagsagwan ang kanyang mga alagad dahil pasalungat sila sa ihip ng hangin.

Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Nang malalampasan na niya ang mga alagad, nakita ng mga ito na siya ay lumalakad sa ibabaw ng tubig. Akala nila siya ay isang multo kaya sila ay nagsisigaw. Takot na takot silang lahat, ngunit agad na sinabi ni Jesus sa kanila, "Huwag kayong matakot. Ako ito! Lakasan ninyo ang inyong loob!"

Sumakay siya sa bangka at pumayapa ang hangin. Sila'y lubhang namangha sapagkat hindi pa nila nauunawaan ang tunay na kahulugan ng nangyari sa tinapay; hindi pa ito abot ng kanilang isip.

Pagninilay:

“Sir, kayo po ay inaatake sa puso,” seryosong sabi sa akin ng mga doctor ng ER ng Family  Care Hospital habang isinasakay nila  ako  sa  isang ambulansya. “Kayo po ay aming dadalhin sa Perpetual Help Hospital dahil ang kanilang ICU ay may sapat na mga kagamitan para sa mga inaatake sa puso gaya ninyo,” patuloy na sabi nila. Napatingin ako sa aking relo at ang oras ay alas 9:00 pa lang ng umaga. Sobrang napakaaga sa araw na iyon upang pumanaw sa mundo! Inaaliw ko ang aking sarili subalit ang aking kalooban ay binabalot ng takot at pangamba. Ilang minuto pa lang, kasama ang aking maybahay na si Estella, ako’y nagmamaneho papuntang Family Care Hospital para sa isang emergency medical check up. Nananakit ang aking dibdib, nang panahong iyon, na tila bang may mabigat na bagay na nakadiin at ako’y nahihirapang huminga. Naganap ito isang umaga habang ako’y nag-eehersisyo (aerobics  at pagbubuhat ng 5 librang dumb bells) Napagpasyahan ng mga doktor na ako nga ay may Acute Myocardial Infarction o atake sa puso pagkatapos sumailalaim sa isang serye ng pagsusuril, kasama na rito ang X-ray  at  ECG.

Habang ako’y dali-daling isinasakay sa ambulansya papuntang  Perpetual Help Hospital, di ko maiwasan ang mag-isip ng mga di kanais-nais na mga sitwasyon. Sa ICU, sinikap kong maging kalmado subalit ako’y nahintakutan pa rin at walang magawa habang pinapainom ng mga doctor ng gamot, nilalagyan  ng  tubo ng  oxygen at kinakabitan ng mga aparatong titingin sa kalagayan ng aking puso. Noon din, napagtanto kong tanging panalangin lamang ang magbibigay sa akin ng kapayapaan. Kaya ako’y taimtim at masidhing nanalangin. Ako’y personal na nakipag-usap sa Panginoong Jesus at matiyagang naghintay ng kanyang tugon. Noong panahong iyon ng aking buhay sumagi sa aking isipan ang tinuran ni Jesus sa kanyang mga natatakot na mga apostol na noon ay nakita siyang lumalakad sa ibabaw ng tubig gaya ng isang multo: “Lakasan ninyo ang inyong loob. Ako ito! Huwag kayong matakot.” Sa pagkakataong ito, hindi lamang sinasabi ni Jesus na sila’y kanyang ililigtas sa rumaragasang unos. Sinasabi rin niyang "Kayo ang aking mga saksi na aking hinirang upang ako’y kilalanin at sampalatayanan. Huwag kayong matakot.  Ako’y lagi ninyong kasama. Ako ang inyong Diyos."

Habang  ako’y nananalangin  at  nagninilay,  naramdaman kong  isang bagong kalakasan   ng  loob  ang  bumalot  sa akin na  siyang nagtulak  upang  matanggap nang bukal sa loob ang aking kapalaran. Itong agaw-buhay na pangyayari ay naganap mahigit isang dekada na ang nakalilipas. Ang pagsubok na yaon ay aking nalagpasan! Araw-araw mula noon, walang tigil akong nagpapasalamat sa biyaya ng buhay upang ang Diyos at ang aking kapwa ay higit pang mapaglingkuran. (Romeo S. Palileo)