Tuesday, February 10, 2015

Pebrero 17, 2015

Marcos 8:14-21

Nakalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay, at iisa na lamang ang natira sa tinapay na dala nila sa bangka. Sinabi ni Jesus sa kanila, "Mag-ingat kayo sa pampaalsang ginagamit ng mga Pariseo at ni Herodes." Sabi nila sa isa't isa, "Wala kasi tayong dalang tinapay kaya sinabi niya iyon."

Dahil alam ni Jesus ang kanilang pinag-uusapan, sinabi niya sa kanila, "Bakit ninyo pinag-uusapang kayo'y walang dalang tinapay? Hindi pa ba kayo nakakaintindi? Hindi pa ba ito abot ng inyong isip? Wala ba kayong mata? Wala ba kayong tainga? Nakalimutan na ba ninyo nang paghati-hatiin ko ang limang tinapay para sa limanlibong tao? Ilang kaing ang napuno ninyo ng lumabis na pagkain?" "Labindalawa po," tugon nila. "At nang paghati-hatiin ko ang pitong tinapay para sa apat na libong tao, ilang kaing ang napuno ninyo?" tanong niya. "Pito po," muli nilang sagot. "At hindi pa rin ba ninyo nauunawaan ito?" tanong niya.


Pagninilay:

Sino ba ang ayaw ng marangyang buhay? Sino ba ang hindi naiinggit sa mga taong may magandang buhay?

Ang pagkainggit, ang paghangad ng mga bagay na wala tayo ay minsan na nating nararamdaman lalo na kung tayo ay nahihirapan na sa ating buhay.

Minsan nga eh, naisip ko, tumaya kaya ako sa lotto at kapag nanalo ako ay hindi na ako mahihirapang magtrabaho. Hindi na rin ako mag-aalala sa araw – araw. Ngunit alam kong hindi ito ang solusyon sa aking problema. Hindi rin ito ang nais ng Panginoon. Ang nais Niya ay ang magtiwala tayo sa Kanya, hindi ang mainggit tayo o maging gahaman. Sa ebanghelyo sa araw na ito, binalaan ni Hesus ang mga alagad na mag-ingat sa mga lebadura ng mga Pariseo at ni Herodes. Dahil ang lebadura ng mga Pariseo ay ang pagkukunwari, kakitiran ng pag-unawa at ang lebadura naman ng mga alagad ni Herodes ay ang pagkauhaw sa kapangyarihan, makasariling ambisyon at ang kawalan ng katarungan sa iba. Ditto ay ipinapaalala ni Hesus na siya ay makapangyarihan. Ipinapaalala Niya na kanyang napakain ang mahigit limang libong tao sa pamamagitan lamang ng dalawang isda at limang tinapay at sobra- sobra pa ito.

Naalala ko tuloy, dati, kapag kumakain na kami ng agahan, inaalala ko may makakain kaya kami mamayang tanghali, mamayang gabi o bukas? Palagi akong nag-aalala na wala kaming makain. Palagi kong iniisip ang mga susunod na araw. Ngunit kung ito pala ay itataas at ipananalangin natin sa Kanya tulad ng dasal na itinuro sa atin na nagsasabi na "bigyan Mo kami ng makakain sa araw-araw" ay hindi Niya tayo pababayan at higit pa ang ibibigay Niya sa iyo.

Kaya mga kapatid, pawiin natin ang ating agam-agam sa buhay sa pamamagitan ng pagtitiwala at pananampalataya sa kay Hesus dahil Siya ang Tinapay at Buhay na pumapawi sa ating pagkagutom.

Pebrero 16, 2015

Marcos 8:11-13

May dumating na mga Pariseo at nakipagtalo kay Jesus. Nais nilang subukin siya kaya't hiniling nilang magpakita siya ng isang himala mula sa langit. Napabuntong-hininga si Jesus at sinabi sa kanila, "Bakit naghahanap kayo ng himala? Pakatandaan ninyo: kailanma'y hindi makakakita ng anumang tanda ang salinlahing ito." At sila'y iniwan niya. Muli siyang sumakay sa bangka at tumawid sa ibayo.


Pagninilay:

Ito ay maari kong mai akma na nagyari sa aking buhay noong ako ay operahan sa bato sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) ika-20 ng 2011. Alam ko na ang aking kondisyon noon ay lubhang malala, ngunit hindi ako nawalan ng pag-asa dahil na rin sa aking tiwala sa Diyos. Alam ko na kanya akong tutulungan sa aking operasyon.

Sa ganong estado ng aking kalagayan, pinikit ko ang aking mga mata at sinabi sa aking sarili, “ O Diyos ikaw ang nagbigay ng buhay, kung ano man ang mangyari ito ay inyong pahintulot, ang aking pagti tiwala ay sa inyo.

Iniligay ako sa Intensive Care Unit(ICU) sa loob ng limang araw, at ng mabalik ang aking ulirat, sinabi ng aking cardiologist na ako ay nawalan ng malay at dahil sa tulong ng respirator ako ay muling nagkamalay. Ngunit sa aking puso, na ang Diyos ang nagligtas at nag bigay ng panibagong buhay. Muli ang aking pasasalamat ay aking ibina balik sa kanya sa pamamagitan ng pagsisilbi sa simbahan.

(Tess Masa)

Pebrero 15, 2015; Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon

Marcos 1:40-45

Isang taong may ketong ang lumapit kay Jesus, lumuhod ito h at nagmakaawa, "Kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis." Nahabag si Jesus sa ketongin kaya't hinawakan niya ito at sinabi, "Oo, nais ko! Gumaling ka!" Noon di'y nawala ang ketong ng lalaki at siya'y naging malinis. Matapos mapagbilinan, agad siyang pinaalis ni Jesus at pinagsabihan ng ganito: "Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay magpunta ka at magpasuri sa pari. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog para sa Diyos ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay sa mga tao na ikaw ay magaling at malinis na." Ngunit pagkaalis ng lalaki ay kanyang ipinamalita ang nangyari sa kanya. Dahil dito, hindi na nakapasok pa ng bayan si Jesus. Nanatili na lamang siya sa labas ng bayan subalit pinupuntahan pa rin siya ng mga tao mula sa iba't ibang dako.


Pagninilay:

Ilang beses ba sa ting buhay na sa tuwing tayo ay nag darasal, malimit na ito ay pang sarili lamang, hindi ba natin na-isip na ito ba sang-ayon sa plano sa atin ng Diyos? Tama lamang na hindi dapat tayo’ng mag dalawa’ng isip sa pag hingi sa Kanya, ngunit maka tarungan ding ito ay atin munang pagnilayan.

Ang Panginoon na rin ang may sabi “Humingi ka at Ika’y bibigyan”, ang ating Amang nasa langit. Kung ang ating dalangin ay hindi man sinagot sa panahong kailangan natin; tayo’y ‘wag mawalan ng pag-asa. 

Sa puntong ito kailangan nating alalhanin na ang mga kasagutan sa ating mga panalangin ay kanyang ibibigay kung ito ay makaka tulong sa atin. Dapat lamang sa bawat panalangin ay ating sambitin “Maganap nawa, kung ito ay inyong kagustuhan”.

(Catherine B. Barrameda)

Pebrero 14, 2015; San Cirilo, monghe; San Metodio, obispo

Marcos 8:1-10

Nang mga araw na iyon, muling nagkatipon ang napakaraming tao. Wala nang makain ang mga ito kaya't tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, "Naaawa ako sa mga taong ito sapagkat tatlong araw na ngayong kasama ko sila at wala na silang makain. Kung pauuwiin ko sila nang gutom, mahihilo sila sa daan; malayo pa naman ang pinanggalingan ng ilan sa kanila." "Ito po ay isang ilang na lugar. Saan po tayo kukuha ng pagkain para sa ganito karaming tao?" tanong ng mga alagad. "Ilang tinapay pa ang natitira?" tanong ni Jesus. "Pito po," sagot nila. Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao at kinuha ang pitong tinapay. Nagpasalamat siya sa Diyos, hinati-hati ang mga tinapay at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Ganoon nga ang ginawa ng mga alagad. Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Muli siyang nagpasalamat sa Diyos at pagkatapos ay iniutos niyang ipamahagi din iyon sa mga tao. Kumain ang lahat at nabusog. Nang tipunin nila ang lumabis, nakapuno pa sila ng pitong kaing. May apat na libong tao ang kumain. Matapos pauwiin ang mga tao, sumakay si Jesus sa bangka, kasama ang kanyang mga alagad, at nagtungo sila sa lupain ng Dalmanuta.


Pagninilay:

Nang pumutok ang Mt. Pinatubo, ang Covenant Community naming ay nagplanong pumunta sa lugar na mga kapatid nating naapektuhan ng pagsabog ng Mt. Pinatubo. Bawat isang pamilya sa amin ay may naka assign ng isang pamilya na makasama naming sa tanghalian na kami na rin magdala ng aming pagsasaluhang pagkain. Kasama ko ang aking asawa at bunsong anak. Masaya naming kasama sa pagkain ang pamilyang naka assign sa amin.

Pauwi na kami ng madaanan namin ang isang komunidad ng mga kapatid nating ita, nanghihingi ng pagkain. Wala na kaming pagkain mabigay kasi iniwan na namin dun sa pamilya nakasama namin. Ngunit ang anak kong bunso ay bumaba sa bus at binigay lahat ng baon niyang pagkain sa biyahe pauwi namin. Sabi ko sa kanya bakit niya binigay lahat baka magutom siya. Sagot niya sa akin Mama pauwi na naman tayo magutom man ako pagdating sa bahay may makakain ako, hindi katulad nila wala silang pagkain hindi nila alam kung kalian sila kakain ulit. Natuwa ako sa sagot niya pagkat sa mura niyang edad alam niyang tumulong at magbahagi ng kung ano meron siya para sa kapwa niya. 

Pebrero 13, 2015

Marcos 7:31-37

Pagbalik ni Jesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan siya sa Sidon at nagtuloy sa Lawa ng Galilea, matapos tahakin ang lupain ng Decapolis. Dinala ng mga tao sa kanya ang isang lalaking bingi at pipi, at nakiusap sila sa kanya na ipatong niya rito ang kanyang kamay. Inilayo muna ni Jesus sa karamihan ang lalaki, at isinuot ang kanyang mga daliri sa mga tainga nito.

Pagkatapos, lumura si Jesus at ipinahid ito sa dila ng pipi. Tumingala si Jesus sa langit at nagbuntong-hininga. Pagkatapos, inutos niya sa tainga ng lalaki, "Effata," na ang ibig sabihi'y, "Bumukas ka!" Noon di'y nakarinig ang lalaki at nakapagsalita na nang maayos. Sinabi ni Jesus sa mga tao na huwag ipamalita ito, ngunit habang pinagbabawalan niya ang mga tao ay lalo naman nila itong ipinamamalita. Buong paghangang sinasabi nila, "Ang lahat ng kanyang ginagawa ay napakabuti! Pinapagaling pa niya ang mga bingi at pipi!"


Pagninilay:

Pinagagaling ni Jesus ang mga may sakit na dumudulog sa kanya. Isa ako sa mga dumulog at humingi ng tulong para gumaling ang sakit ko sa puso. Hindi lang ang sakit ko sa puso ang pinagaling niya pati na rin ang pagkabingi ko sa mga tawag at aral niya at pagkabualg sa mga ginagawa niya para sa akin upang maging mabuting Kristiyano Katoliko. Ngayon naririnig ko na at nauunawaan ko ang nais niyang gawin ko at nakikita ko na ang mga pagkukulang ko sa kanya. 

Pebrero 12, 2015

Marcos 7:24-30

Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lunsod ng Tiro. Tumuloy siya sa isang bahay doon at ayaw niyang malaman ninuman na naroon siya. Subalit hindi ganoon ang nangyari. Ang pagdating niya'y nabalitaan ng isang inang may anak na babaing sinasapian ng masamang espiritu. Pumunta agad kay Jesus ang ina at nagpatirapa sa kanyang harapan. Ang babaing ito'y isang Griego na Sirofenicia. Nakiusap ito kay Jesus na palayasin ang demonyong sumapi sa kanyang anak. Ngunit sinabi ni Jesus, "Kailangang ang mga anak muna ang pakainin. Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga aso."

Tugon ng babae, "Tunay nga po, Panginoon, ngunit kinakain din ng mga asong nasa ilalim ng mesa ang tira ng mga anak." Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, "Dahil sa sinabi mo, maaari ka nang umuwi. Iniwan na ng demonyo ang iyong anak." Umuwi ang babae at naratnan niya sa higaan ang bata. Iniwan na nga ito ng demonyo.


Pagninilay:

Noong panahon na yon, ang Hudyo ang tinatawag na anak at ang mga pagano ang tuta. Dahil sa mga Hudyo, ang nakakakilala at nakakausap ang Diyos, samantalang ang mga pagano ay walang Diyos,walang alam sa mga turo ng Diyos, ngunit ang babaeng pagano labis labis ang tiwala at pananalig niya kay Hesus, ang nagpagaling sa kanyang anak.

Minsan ako ay may mabigat na problema, mananalangin ako na ako’y tulungan ng Panginoon. Subalit naiisip ko na ako ay hindi palasimba at madasalin baka hindi ako pakinggan ng Diyos. Marahil mas papakinggan niya ang mga taong simbahan kaysa ako ngunit napag-isip ko na anak din ako ng Diyos, hindi niya ako pababayaan kaya taimtim ako manalangin sa kanya. Tunay na mabait, mapagmahal, maunawain at mapagpatawad ang Diyos. Dininig niya ang aking panalangin at tinulungan ako.

(Amelia T. Torcuator)

Pebrero 11, 2015; Mahal na Birhen ng Lourdes

Marcos 7:14-23

Muling pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, "Makinig kayong lahat at unawain ang aking sasabihin! Walang pagkain na pumapasok sa bibig ang nagpaparumi sa tao, kundi ang lumalabas dito."

Iniwan ni Jesus ang mga tao, at nang makapasok na siya sa bahay, siya'y tinanong ng kanyang mga alagad tungkol sa talinhaga. "Hanggang ngayon ba ay hindi pa rin ninyo ako maunawaan?" tanong ni Jesus. "Hindi ba ninyo alam na hindi ang anumang mula sa labas ng tao ang nakapagpaparumi sa kanya, sapagkat hindi naman iyon pumapasok sa kanyang puso, kundi sa tiyan, at pagkatapos ay idinudumi." Sa ganitong paraan ay ipinahayag ni Jesus na ang lahat ng pagkain ay maaaring kainin.

At sinabi rin niya, "Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Diyos. Sapagkat sa loob, sa puso ng tao, nagmumula ang masasamang isipang naguudyok sa kanya upang makiapid, magnakaw, pumatay, mangalunya, mag-imbot, gumawa ng kasamaan tulad ng pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, pagmamayabang, at kahangalan. Ang lahat ng ito ay nanggagaling sa puso at ang mga ito ang siyang nagpaparumi sa kanya."


Pagninilay:

Ninais ng Diyos na masilayan ko ang kagandahan ng mundo, binigyan niya ako ng buhay dahil sa isang misyon kung ano man iyon Siya lamang ang nakaka-alam nito. Ako ay isang makasalanang tao. Noong taong 1980 sa aking panaginip kailangang ako ay pumili sa magkasangang landas. Aking napag tanto na ang daan tungo sa Kanya ay masikip ngunit ang landas na baku-bako ay maluwag. Tinimbang ko ang bawat anggulo pagsubok sa aking buhay, upang hindi na magkasala muli. Pakikinig sa Salita ng Diyos ay matibay na sandata upang aking maging sanggalang sa anumang pagsubok na darating sa king natitira pang buhay.

(Lydia Ventanilla)

Pebrero 10, 2015; Santa Escolastica, dalaga

Marcos 7:1-13

Lumapit kay Jesus ang mga Pariseo kasama ang ilang tagapagturo ng Kautusan na galing pa sa Jerusalem. Nakita nila ang ilan sa mga alagad niya na kumakain nang hindi muna naghuhugas ng kamay ayon sa kinaugalian. (Sapagkat ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo, ay hindi kumakain hangga't hindi muna sila nakapaghuhugas ng kamay ayon sa kaugaliang minana nila mula sa kanilang mga ninuno. Hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito hinuhugasan. a Marami pa silang sinusunod na katuruang minana, tulad ng paghuhugas ng mga tasa, pitsel, sisidlang tanso, at mga higaan. Kaya tinanong si Jesus ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan, "Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo sa mga turo ng ating mga ninuno? Kumakain sila nang hindi muna naghuhugas ng kamay ayon sa kaugalian."

Sinagot sila ni Jesus, "Mga mapagkunwari! Tama nga ang sinabi ni Isaias tungkol sa inyo, nang kanyang isulat,'Ang paggalang sa akin ng bayang ito ay pakunwari lamang, sapagkat ito'y sa bibig at hindi sa puso bumubukal. Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba, sapagkat itinuturo nilang galing sa Diyos ang kanilang mga utos.' Winawalang-kabuluhan ninyo ang utos ng Diyos, at ang sinusunod ninyo'y mga katuruan ng tao."

Sinabi pa ni Jesus, "Ang gagaling ninyo! Para lamang masunod ang inyong mga tradisyon, pinapawalang-bisa ninyo ang utos ng Diyos! Halimbawa, iniutos ni Moises na 'Igalang mo ang iyong ama at ina', at 'Ang sinumang lumait sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.' Ngunit itinuturo naman ninyo na kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina, 'Naihandog ko na sa Diyos c ang mga tulong ko sa inyo'; ang taong iyon ay hindi na ninyo pinapatulong sa kanilang mga magulang. Sa gayong paraan, pinapawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga itinuturo ninyo. At marami pa kayong itinuturong katulad nito."


Pagninilay:

Noong mga bata ang mga anak ko sila ay nagbakasyon sa bahay ng aking matalik na kaibigan na isang miyembro ng Iglesia ni Kristo. Nalaman ko na sila ay sinama sa pagsamba ng aking kaibigan sa kapilya ng Iglesia ni Kristo. Dahil sa sila’y bata pa sumama sila ngunit pag-uwi sa amin nagtanong sila kung kasalanan ang ginawa nila. Ang sabi ko mabuti pa magkumpisal kayo at ng malaman niyo. Gayon nga ang ginawa nila at pinagdasal sila ng Act of Contrition at ilang panalangin. Pinayuhan sila na huwag na muli gawin iyon mga bagay na iyon pagkat baka mailto sila sa mga turo at tradisyon ng simbahan at aral ng Panginoon.

Wednesday, February 4, 2015

Pebrero 9, 2015

Marcos 6:53-56

Tumawid sila sa ibayo at pagdating sa Genesaret ay dumaong sila sa pampang. Pagbabang-pagbaba nila, nakilala agad siya ng mga tao. Kaya't nagmadaling nilibot ng mga tao ang mga karatig-pook at sinundo ang mga maysakit. Dinadala nila ang mga nakaratay sa higaan, saanman nila mabalitaang naroon si Jesus. At saan man siya pumunta, sa nayon, sa lunsod, o sa kabukiran, agad na inilalapit sa kanya ang mga may karamdaman at ipinapakiusap sa kanya na mahawakan man lamang nila ang laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng makahawak dito ay gumagaling.


Pagninilay:

Paniniwalang may pananampalataya ay isang makabuluhang solusyon upang malunasan ang mga problema gaya ng sakit, lungkot, alalahanin, takot at iba na katulad nito. Dahil sa ating paniniwalang si Hesus ang pinagmulan ng lahat, madali itong makakamit kung matibay ang pundasyon. Maraming mga pangyayari na dahil sa pananampalataya ang mga malulubhang sakit o buhay na may taning na ay guma-galing. 

Gaya ng nangyari sa aming buhay, dinala namin sa isang prayer meeting ang aming may sakit na anak sa aming pakikinig sa Salita ng Diyos gumaling ang aming anak sa oras din ‘yon. Tunay nga, pananampalataya sa Diyos ay magbi-bigay sa atin ng kapahingahan.

(Danny Borlaza)


Pebrero 8, 2015; Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon

Marcos 1:29-39

Mula sa sinagoga, si Jesus, kasama sina Santiago at Juan, ay nagtuloy agad sa bahay nina Simon at Andres. Noon ay nakahigang nilalagnat ang biyenan ni Simon at ito'y agad nilang sinabi kay Jesus. Kaya't nilapitan ni Jesus ang babae, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Noon di'y gumaling ito at naghanda ng pagkain para sa kanila.

Pagsapit ng gabi, pagkalubog ng araw, dinala kay Jesus ang lahat ng maysakit at ang mga sinasapian ng demonyo. Halos lahat ng mga tagaroon ay nagkatipon sa harap ng bahay. Pinagaling ni Jesus ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman. Pinalayas din niya ang mga demonyo, at hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito sapagkat alam nila kung sino siya.

Madaling-araw pa'y bumangon na si Jesus at nagpunta sa isang lugar kung saan maaari siyang manalanging mag-isa. Hinanap siya ni Simon at ng mga kasama nito, at nang matagpuan siya ay sinabi nila, "Hinahanap po kayo ng mga tao." Ngunit sinabi niya sa kanila, "Kailangang pumunta rin tayo sa mga karatig-bayan upang makapangaral ako roon. Ito ang dahilan ng pagparito ko." Nilibot nga ni Jesus ang buong Galilea. Nangaral siya sa kanilang mga sinagoga at nagpalayas ng mga demonyo.


Pagninilay:

Ako’y naniniwala at nagtitiwala sa Panginoon. Ilang beses o pagkakataon na pinadama niya ang pagmamahal niya sa akin. Sa tuwing ako’y nahaharap sa mga pagsusubok dali-dali ako tumatakbo sa Panginoon pagkat alam kong siya lamang ang makakatulong sa akin. Alam niya kung ano ang nararapat at hindi nararapat sa akin, kung ano ang mabuti at hindi mabuti. Tinutulungan ako ng Panginoon tumutulong din ako sa aking kapwa. Ang pagtulong, pagmamahal at pagkahiya sa ating kapwa ay maghahatid sa kanila ng kabutihang loob ng Diyos.

Pebrero 7, 2015

Marcos 6:30-34

Bumalik kay Jesus ang mga apostol at iniulat nila sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro. Subalit napakaraming taong dumarating at umaalis, at hindi na nila makuhang kumain. Kaya't sinabi ni Jesus sa mga alagad, "Magpunta tayo sa isang lugar na kung saan maaari tayong makapagsarilinan, at upang makapagpahinga kayo nang kaunti." Umalis nga silang sakay ng isang bangka, at nagpunta sa isang ilang na lugar.

Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakaalam kung saan sila pupunta. Kaya't ang mga tao mula sa lahat ng bayan ay patakbong pumunta sa lugar na iyon at naunahan pa nila sila Jesus. Pagbaba ni Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol, kaya't sila'y tinuruan niya ng maraming bagay.


Pagninilay:

Ako ay isang manggawa sa simbahan simula pa noong ako ay 18, ngayon na nasa 35 taong gulang na kung saan ang aking kabiyak sa puso ay isa ring maggagawa sa simbahan na may isang anak at kasalukuyang isa pa sa aking sinapupunan. Ang paglilingkod na ito ay aking pinagpa tuloy sa loob ng 18 taon. Biro ko sa aking sarili, bilang isang manggagawa sa simbahan ay ang di pagtatamo ng pasasalamat. Walang sweldo, walang bakasyon, walang pasasalamat at minsan ka lang kalugdan; ang malimit ay ang pagbabatikos sa iyong pagkukulang. Kahit na sinong matinong tao pipiliin maging isang simpleng parokyano ng simbahan; ang pag punta sa simbahan sa araw ng Linggo, pagbibigay ng bente pesos sa koleksyon at pagbibigay naman ng singkwenta pesos na kung saan ang aming purok ang na atasan na manguna sa banal na misa.

Ganun pa man ako at ang aking asawa ay pinili ang mag silbi hanggang kaya sa kabila ng pagpapalaki ng bagong pamilya. Andito pa rin kami sa kabila rin na ang aming mga kasama dati ay mga nagsipag hinto sa pagsilbi sa simbahan. Pinili din namin ang manatili sa kabili ng pahirap na pahirap na pagsamahin an gaming mga oras sa serbisyo. Bakit? Si Hesus ang nag atas nito sa amin. Bakit? Dahil si Hesus ay piniling manatili sa piling ng kanyang mga apostoles, na dumaig sa pag-ibig at awa sa mga taong sumusunod sa kanya. Sa kabila ng pagsilbi sa kanya ay nagangahulugang paglayo sa Diyos. Marami ang inani ngunit konti ang uma-ani. Binigyan niya kami ng talentongsa larangan ng pag-awit upang ito ay ibahagi sa aming kapwa. At ang importante sa lahat, pinili namin ito dahil ito ang kanyang atas. Ang pag silbi sa kanya ay nangangahulugang mahal niya din kami at kami’y ganun din at ang kanyang pagsang-ayon ay isang hudyat ng pag anyaya na aming ipagpa tuloy ang pag silbi sa kanya.

(Janice Casalo)

Pebrero 6, 2015; San Pedro Bautista, San Pablo Miki at mga kasama, mga martir

Marcos 6:14-29

Nakarating kay Haring Herodes b ang balita tungkol kay Jesus, sapagkat bantog na bantog na ito. May mga nag-aakala na si Juan na Tagapagbautismo ay muling nabuhay… Ngunit mayroon ding nagsasabi na siya si propeta Elias. At may iba pang nagsasabing, "Siya'y isang propeta, katulad ng mga propeta noong unang panahon." Nang ito'y marinig ni Herodes, sinabi niya, "Siya ay si Juan na aking pinapugutan ng ulo. Muli siyang nabuhay." Si Herodes mismo ang nagpahuli at nagpabilanggo kay Juan dahil sa kagustuhan ni Herodias. Sapagkat laging sinasabi ni Juan kay Herodes, "Labag sa batas na kasamahin mo ang asawa ng inyong kapatid!" At dahil dito, si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan at ibig niya itong ipapatay. Ngunit hindi niya ito magawa sapagkat alam niyang natatakot si Herodes kay Juan. Itinuturing ng hari na si Juan ay taong matuwid at banal, at sinisikap niyang huwag itong mapahamak. Gustung-gusto niyang makinig kay Juan kahit na labis siyang nalilito sa mga sinasabi nito.

Subalit nagkaroon din ng pagkakataon si Herodias na ipapatay si Juan nang sumapit ang kaarawan ni Herodes. Si Herodes ay nagpahanda ng malaking salu-salo at inanyayahan niya ang kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea. Nang pumasok ang anak na babae ni Herodias d at nagsayaw, labis na nasiyahan si Herodes at ang mga panauhin, kaya't sinabi ng hari sa dalaga, "Hingin mo ang anumang nais mo at ibibigay ko sa iyo." Naipangako rin niya sa dalagang, "Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo, kahit pa ang kalahati ng aking kaharian."

Kaya't lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, "Ano po ang hihingin ko?" "Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo," sagot ng ina. Mabilis na nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari at sinabi niya, "Ang nais ko'y ibigay ninyo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo, na nakalagay sa isang pinggan." Labis na nalungkot ang hari, subalit dahil sa kanyang sumpang narinig ng mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga. Kaagad niyang iniutos sa isang kawal na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod nga ang kawal at pinugutan niya ng ulo si Juan sa loob ng bilangguan. Inilagay niya ang ulo sa isang pinggan at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.


Pagninilay:

May kasabihan “Ang pagsasabi ng tapat ay pagsasama ng maluwat” ngunit malimit kabaligtaran ang nangyari. Sa kadahilanang hindi pagtanggap ng kamalian, minamasama ng tao ang anumang pag puna sa maling gawi sa kabila ng pagmamalasakit nito. Resulta ng hindi pagkaka-unawann at pagkaka-sundo.

Sa panahon ngayon na maraming katiwalaan na pangyayari sa ating pamahalaan, may mga taong naglakas ng loob na isiwalat ang kanilang nalalaman dahil mataas ang katungkulan at makapangyarihan ang mga sangkot napapa-ikot nila ang batas.

(Sis. Lina Esguerra)

Pebrero 5, 2015; Santa Agata, dalaga at martir

Marcos 6:7-13

Tinawag niya ang Labindalawa at isinugo sila nang dala-dalawa. Sila ay binigyan niya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, at pinagbilinang, "Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdadala ng anuman, maliban sa tungkod. Huwag din kayong magdadala ng pagkain, bag, o pera. Magsuot kayo ng sandalyas ngunit huwag kayong magdadala ng bihisan." 

Sinabi rin niya sa kanila, "Kapag kayo ay pinatuloy sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa inyong pag-alis sa bayang iyon. Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa, bilang babala sa mga tagaroon." Humayo nga ang Labindalawa at nangaral na ang mga tao ay dapat magsisi at tumalikod sa kanilang mga kasalanan. Pinalayas nila ang mga demonyo mula sa mga sinasapian ng mga ito; pinahiran nila ng langis ang maraming maysakit at pinagaling ang mga ito.


Pagninilay:

Bahagi ng aming teaching at training upang ako ay maging shepherd sa isang covenant community ako ay pinadala sa isang komunidad ng wala ng panahon sumampalataya ay malaman ang kautusan ng Diyos at makilala ang Panginoon. Para kaming mga apostol ng Panginoon sinugo niya sa bahay bahay upang gampanan ang misyong magpalaganap ng pananampalataya. Mahirap ang misyon ngunit tinupad ko at ng aking misyon ang misyon pagkat nais ko maging isang pastol o shepherd ng community namin. Nagtiwala ako sa Panginoon na sasamahan niya ako sa mga laban ko at gagabayan niya ako sa pakikipag-usap sa mga tao. Sa awa niya nakapasa ako sa gawain na iyon.

Tuesday, February 3, 2015

Pebrero 3, 2015; San Blas, obispo at martir

Marcos 5:21-43

Si Jesus ay sumakay sa bangka at bumalik sa kabilang ibayo. Nasa baybayin pa lamang siya ng lawa ay dinumog na siya ng napakaraming tao. Naroon din ang isang tagapamahala ng sinagoga na ang pangalan ay Jairo. Pagkakita kay Jesus, siya'y lumuhod sa paanan nito at nagmamakaawa, "Nag-aagaw-buhay po ang anak kong dalagita. Maawa po kayo, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo sa kanya ang inyong kamay upang siya ay gumaling at mabuhay!" Sumama naman si Jesus. Ngunit sumunod din sa kanya ang napakaraming tao, kaya't halos maipit na siya.Kasama rin doon ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo. Hirap na hirap na siya sa sakit na iyon, at marami nang doktor ang sumuri sa kanya. Naubos na ang kanyang ari-arian sa pagpapagamot ngunit hindi pa rin siya gumagaling. Sa halip, lalo pang lumala ang kanyang karamdaman. Nabalitaan niya ang tungkol kay Jesus kaya't nakipagsiksikan siya hanggang sa makalapit sa likuran ni Jesus, at hinipo ang damit nito, sapagkat iniisip niyang: "mahipo ko lang ang kanyang damit, gagaling na ako." Agad ngang tumigil ang kanyang pagdurugo at naramdaman niyang magaling na siya… sinabi sa kanya ni Jesus, "Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na at ipanatag mo ang iyong kalooban. Ikaw ay magaling na."

Habang nagsasalita pa si Jesus, may ilang taong dumating mula sa bahay ni Jairo. "Patay na po ang inyong anak. Huwag na po ninyong abalahin ang Guro," sabi nila. Ngunit nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya kay Jairo, "Huwag kang mawalan ng pag-asa; manampalataya ka lamang." … 

Nang dumating sila sa bahay ni Jairo, nakita ni Jesus na nagkakagulo ang mga tao, may mga nag-iiyakan at nananaghoy. Pagpasok niya ay kanyang sinabi, "Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata. Siya'y natutulog lamang." Dahil sa sinabi niya, pinagtawanan siya ng mga tao... Hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi, "Talitha koum," na ang ibig sabihi'y "Ineng, bumangon ka!" Noon di'y bumangon ang bata at lumakad, at labis na namangha ang lahat. Ang batang ito'y labindalawang taong gulang na. Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus na huwag nilang sasabihin kaninuman ang nangyari. Pagkatapos, iniutos niyang bigyan ng pagkain ang bata.


Pagninilay:

Noong nakaraang taon tumawag sa akin ang aking hipag kung maari ko daw ipagdasal at isama sa aking araw-araw na ipanalangin ang bayaw ko na kapatid niya gawa ng sinabi ng Doktor na wala ng lunas ang sakit niya, nasa 4th stage na ng kanser sa baga. Nanalangin ako araw-araw sa Diyos. Humihingi ng awa upang pagalingin ang aking bayaw, inaalay ko ang komunyon ko sa kanya tuwing ako’y magkokomounyon at nag-fasting ako sa kanya. Nagrorosaryo ako ng 5 misteryo araw-araw, alay ko pa rin sa ikagagaling niya at nagnonobena sa mahal na Birhen Maria, Divine Mercy Sacred Heart of Jesus at nagrorosaryo ng precious blood of Jesus. Humingi rin ako ng tulong kay Lolo Uweng. 

Pagkaraan ng ilang buwan bago magpasko tuwang-tuwa ako, tumawag ang hipag ko sa huling punta nila sa doktor sinabi sa kanila na wala ni bakas na may kanser ang aking bayaw sabi pa ng Doktor milagro ang nangyari sa aking bayaw naiyak ako sa tuwa at agad nagpasalamat sa Panginoon at nagpamisa ako ng pasasalamat sa paggaling ng bayaw ko. Nag reunion kami nakita ko siya, bagamat payat, siya ay magaling na. Mula noon ang pamilya ng bayaw ko ay nanalig at sumasampalataya sa Panginoon. Inalis na niya ang mga bisyo niya. Napagtanto niya na mahalagang lumapit at kumapit sa Panginoon sa lahat ng oras.

Monday, February 2, 2015

Pebrero 2, 2015; San Basilio Magno, at San Gregorio Nasianseno, mga obispo at mga pantas ng Simbahan

Juan 1:19-28

Ang mga pinuno ng mga Judio sa Jerusalem ay nagsugo ng ilang paring Judio at Levita upang itanong kay Juan kung sino nga ba siya. Hindi nagkaila si Juan; sa halip ay maliwanag niyang sinabi, Hindi ako ang Cristo. "Sino ka kung gayon?" tanong nila. "Ikaw ba si Elias?" "Hindi ako si Elias", tugon niya. "Ikaw ba ang Propeta?" Sumagot siya, "Hindi rin".

"Sino ka kung gayon? Sabihin mo kung sino ka upang may masabi naman kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?" tanong nilang muli. Sumagot si Juan sa pamamagitan ng pangungusap mula sa aklat ni Propeta Isaias, "Ako ang tinig ng isang taong sumisigaw sa ilang, Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon." Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. Muli nilang tinanong si Juan, "Bakit ka nagbabautismo, gayong hindi naman pala ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang Propeta?" Sumagot si Juan, "Ako'y nagbabautismo sa tubig, ngunit nasa inyong kalagitnaan ang isang hindi ninyo nakikilala. Darating siyang kasunod ko subalit hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas." Ang mga ito'y nangyari sa Bethania, sa silangan ng Ilog Jordan na pinagbabautismuhan ni Juan.


Pagninilay:

Minsan nagkaroon ng pagkakataong ang mga anak ko’y nalito kung sino talaga ako sa buhay ng ating Panginoon. Sa pagkaalam nila, ako ay pinadalang sugo ng Panginoon sa kanila upang sila’y gabayan sa kanilang buhay-espiritwal sa pamamagitan ng aking paglilingkod sa Diyos. Nakita nila kung paano ko nabigyan ng oras at panahon ang aking paninilbihan sa ating Panginoon. Sila’y natuwa at humanga sa aking sipag at determinasyon. Dahil dito, nagkaroon rin sila ng kagustuhan na maglingkod sa Diyos nang walang pag-aalinlangan dahil sa nakikita nilang halimbawa mula sa akin. Ngunit dumating ang araw na hindi ko inaakala na kinakailangan ko munang ihinto ang isang inatang na responsibilidad ng parokya sa akin sapagkat may mga hindi kami pagkaunawaan ng kanilang ama. Ganunpaman, naniniwala ang mga anak ko na buhay pa rin sa puso ko ang Panginoon sapagkat hindi ako nakalilimot sa Kanya tuwing Linggo at ganoon rin sa paglilingkod ko sa kanila bilang kanilang magulang. Ako’y nagpapasalamat sa Diyos na ang aking mga anak ay hindi nanghina ang pananampalataya dahil sa aking pansamantalang paghinto sa paglilingkod sa Kanya. Sila ay patuloy pa rin sa kanilang nakagawian, ang patuloy na pagsilbihan ang Diyos.

Sa aking pananaw, sana lubusan kong sinunod ang Panginoon at hindi ako tumigil na manilbihan sa kanya dahil lamang sa isang suliranin sa pamilya. Alam kong malaking kasalanan ang aking nagawa. Sa aking pagkakamali, inayos ko pa rin ang tamang daraanan ng aking mga anak upang sa pagdating ng panahon na may ganitong pagkakataon silang mararanasan, hindi nila ako gagayahin sapagkat nakita nila na ako’y nagsisisi sa aking nagawa. Dapat sundin ang Diyos. Ngunit ako, sinunod ko ang kagustuhan ng tao upang maging buo ang aming pamilya.

(Methylene S. Mendoza)