Monday, February 2, 2015

Pebrero 2, 2015; San Basilio Magno, at San Gregorio Nasianseno, mga obispo at mga pantas ng Simbahan

Juan 1:19-28

Ang mga pinuno ng mga Judio sa Jerusalem ay nagsugo ng ilang paring Judio at Levita upang itanong kay Juan kung sino nga ba siya. Hindi nagkaila si Juan; sa halip ay maliwanag niyang sinabi, Hindi ako ang Cristo. "Sino ka kung gayon?" tanong nila. "Ikaw ba si Elias?" "Hindi ako si Elias", tugon niya. "Ikaw ba ang Propeta?" Sumagot siya, "Hindi rin".

"Sino ka kung gayon? Sabihin mo kung sino ka upang may masabi naman kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?" tanong nilang muli. Sumagot si Juan sa pamamagitan ng pangungusap mula sa aklat ni Propeta Isaias, "Ako ang tinig ng isang taong sumisigaw sa ilang, Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon." Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. Muli nilang tinanong si Juan, "Bakit ka nagbabautismo, gayong hindi naman pala ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang Propeta?" Sumagot si Juan, "Ako'y nagbabautismo sa tubig, ngunit nasa inyong kalagitnaan ang isang hindi ninyo nakikilala. Darating siyang kasunod ko subalit hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas." Ang mga ito'y nangyari sa Bethania, sa silangan ng Ilog Jordan na pinagbabautismuhan ni Juan.


Pagninilay:

Minsan nagkaroon ng pagkakataong ang mga anak ko’y nalito kung sino talaga ako sa buhay ng ating Panginoon. Sa pagkaalam nila, ako ay pinadalang sugo ng Panginoon sa kanila upang sila’y gabayan sa kanilang buhay-espiritwal sa pamamagitan ng aking paglilingkod sa Diyos. Nakita nila kung paano ko nabigyan ng oras at panahon ang aking paninilbihan sa ating Panginoon. Sila’y natuwa at humanga sa aking sipag at determinasyon. Dahil dito, nagkaroon rin sila ng kagustuhan na maglingkod sa Diyos nang walang pag-aalinlangan dahil sa nakikita nilang halimbawa mula sa akin. Ngunit dumating ang araw na hindi ko inaakala na kinakailangan ko munang ihinto ang isang inatang na responsibilidad ng parokya sa akin sapagkat may mga hindi kami pagkaunawaan ng kanilang ama. Ganunpaman, naniniwala ang mga anak ko na buhay pa rin sa puso ko ang Panginoon sapagkat hindi ako nakalilimot sa Kanya tuwing Linggo at ganoon rin sa paglilingkod ko sa kanila bilang kanilang magulang. Ako’y nagpapasalamat sa Diyos na ang aking mga anak ay hindi nanghina ang pananampalataya dahil sa aking pansamantalang paghinto sa paglilingkod sa Kanya. Sila ay patuloy pa rin sa kanilang nakagawian, ang patuloy na pagsilbihan ang Diyos.

Sa aking pananaw, sana lubusan kong sinunod ang Panginoon at hindi ako tumigil na manilbihan sa kanya dahil lamang sa isang suliranin sa pamilya. Alam kong malaking kasalanan ang aking nagawa. Sa aking pagkakamali, inayos ko pa rin ang tamang daraanan ng aking mga anak upang sa pagdating ng panahon na may ganitong pagkakataon silang mararanasan, hindi nila ako gagayahin sapagkat nakita nila na ako’y nagsisisi sa aking nagawa. Dapat sundin ang Diyos. Ngunit ako, sinunod ko ang kagustuhan ng tao upang maging buo ang aming pamilya.

(Methylene S. Mendoza)

No comments:

Post a Comment