Marcos 5:21-43
Si Jesus ay sumakay sa bangka at bumalik sa kabilang ibayo. Nasa baybayin pa lamang siya ng lawa ay dinumog na siya ng napakaraming tao. Naroon din ang isang tagapamahala ng sinagoga na ang pangalan ay Jairo. Pagkakita kay Jesus, siya'y lumuhod sa paanan nito at nagmamakaawa, "Nag-aagaw-buhay po ang anak kong dalagita. Maawa po kayo, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo sa kanya ang inyong kamay upang siya ay gumaling at mabuhay!" Sumama naman si Jesus. Ngunit sumunod din sa kanya ang napakaraming tao, kaya't halos maipit na siya.Kasama rin doon ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo. Hirap na hirap na siya sa sakit na iyon, at marami nang doktor ang sumuri sa kanya. Naubos na ang kanyang ari-arian sa pagpapagamot ngunit hindi pa rin siya gumagaling. Sa halip, lalo pang lumala ang kanyang karamdaman. Nabalitaan niya ang tungkol kay Jesus kaya't nakipagsiksikan siya hanggang sa makalapit sa likuran ni Jesus, at hinipo ang damit nito, sapagkat iniisip niyang: "mahipo ko lang ang kanyang damit, gagaling na ako." Agad ngang tumigil ang kanyang pagdurugo at naramdaman niyang magaling na siya… sinabi sa kanya ni Jesus, "Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na at ipanatag mo ang iyong kalooban. Ikaw ay magaling na."
Habang nagsasalita pa si Jesus, may ilang taong dumating mula sa bahay ni Jairo. "Patay na po ang inyong anak. Huwag na po ninyong abalahin ang Guro," sabi nila. Ngunit nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya kay Jairo, "Huwag kang mawalan ng pag-asa; manampalataya ka lamang." …
Nang dumating sila sa bahay ni Jairo, nakita ni Jesus na nagkakagulo ang mga tao, may mga nag-iiyakan at nananaghoy. Pagpasok niya ay kanyang sinabi, "Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata. Siya'y natutulog lamang." Dahil sa sinabi niya, pinagtawanan siya ng mga tao... Hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi, "Talitha koum," na ang ibig sabihi'y "Ineng, bumangon ka!" Noon di'y bumangon ang bata at lumakad, at labis na namangha ang lahat. Ang batang ito'y labindalawang taong gulang na. Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus na huwag nilang sasabihin kaninuman ang nangyari. Pagkatapos, iniutos niyang bigyan ng pagkain ang bata.
Pagninilay:
Noong nakaraang taon tumawag sa akin ang aking hipag kung maari ko daw ipagdasal at isama sa aking araw-araw na ipanalangin ang bayaw ko na kapatid niya gawa ng sinabi ng Doktor na wala ng lunas ang sakit niya, nasa 4th stage na ng kanser sa baga. Nanalangin ako araw-araw sa Diyos. Humihingi ng awa upang pagalingin ang aking bayaw, inaalay ko ang komunyon ko sa kanya tuwing ako’y magkokomounyon at nag-fasting ako sa kanya. Nagrorosaryo ako ng 5 misteryo araw-araw, alay ko pa rin sa ikagagaling niya at nagnonobena sa mahal na Birhen Maria, Divine Mercy Sacred Heart of Jesus at nagrorosaryo ng precious blood of Jesus. Humingi rin ako ng tulong kay Lolo Uweng.
Pagkaraan ng ilang buwan bago magpasko tuwang-tuwa ako, tumawag ang hipag ko sa huling punta nila sa doktor sinabi sa kanila na wala ni bakas na may kanser ang aking bayaw sabi pa ng Doktor milagro ang nangyari sa aking bayaw naiyak ako sa tuwa at agad nagpasalamat sa Panginoon at nagpamisa ako ng pasasalamat sa paggaling ng bayaw ko. Nag reunion kami nakita ko siya, bagamat payat, siya ay magaling na. Mula noon ang pamilya ng bayaw ko ay nanalig at sumasampalataya sa Panginoon. Inalis na niya ang mga bisyo niya. Napagtanto niya na mahalagang lumapit at kumapit sa Panginoon sa lahat ng oras.
No comments:
Post a Comment