Wednesday, February 4, 2015

Pebrero 8, 2015; Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon

Marcos 1:29-39

Mula sa sinagoga, si Jesus, kasama sina Santiago at Juan, ay nagtuloy agad sa bahay nina Simon at Andres. Noon ay nakahigang nilalagnat ang biyenan ni Simon at ito'y agad nilang sinabi kay Jesus. Kaya't nilapitan ni Jesus ang babae, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Noon di'y gumaling ito at naghanda ng pagkain para sa kanila.

Pagsapit ng gabi, pagkalubog ng araw, dinala kay Jesus ang lahat ng maysakit at ang mga sinasapian ng demonyo. Halos lahat ng mga tagaroon ay nagkatipon sa harap ng bahay. Pinagaling ni Jesus ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman. Pinalayas din niya ang mga demonyo, at hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito sapagkat alam nila kung sino siya.

Madaling-araw pa'y bumangon na si Jesus at nagpunta sa isang lugar kung saan maaari siyang manalanging mag-isa. Hinanap siya ni Simon at ng mga kasama nito, at nang matagpuan siya ay sinabi nila, "Hinahanap po kayo ng mga tao." Ngunit sinabi niya sa kanila, "Kailangang pumunta rin tayo sa mga karatig-bayan upang makapangaral ako roon. Ito ang dahilan ng pagparito ko." Nilibot nga ni Jesus ang buong Galilea. Nangaral siya sa kanilang mga sinagoga at nagpalayas ng mga demonyo.


Pagninilay:

Ako’y naniniwala at nagtitiwala sa Panginoon. Ilang beses o pagkakataon na pinadama niya ang pagmamahal niya sa akin. Sa tuwing ako’y nahaharap sa mga pagsusubok dali-dali ako tumatakbo sa Panginoon pagkat alam kong siya lamang ang makakatulong sa akin. Alam niya kung ano ang nararapat at hindi nararapat sa akin, kung ano ang mabuti at hindi mabuti. Tinutulungan ako ng Panginoon tumutulong din ako sa aking kapwa. Ang pagtulong, pagmamahal at pagkahiya sa ating kapwa ay maghahatid sa kanila ng kabutihang loob ng Diyos.

No comments:

Post a Comment