Wednesday, January 7, 2015

Enero 7, 2015

Marcos 6:45-52

Agad  pinasakay  ni  Jesus  sa  bangka  ang  kanyang  mga alagad.  Sila  ay  pinauna  niya  sa Bethsaida,  sa  kabilang ibayo  ng  lawa,  habang  pinapauwi  naman  niya  ang mga tao. Matapos magpaalam, umakyat siya sa bundok upang manalangin. Nang sumapit ang gabi, nasa laot na ang bangka, habang si Jesus naman ay nagiisa sa pampang. Nakita niyang nahihirapan sa pagsagwan ang kanyang mga alagad dahil pasalungat sila sa ihip ng hangin.

Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Nang malalampasan na niya ang mga alagad, nakita ng mga ito na siya ay lumalakad sa ibabaw ng tubig. Akala nila siya ay isang multo kaya sila ay nagsisigaw. Takot na takot silang lahat, ngunit agad na sinabi ni Jesus sa kanila, "Huwag kayong matakot. Ako ito! Lakasan ninyo ang inyong loob!"

Sumakay siya sa bangka at pumayapa ang hangin. Sila'y lubhang namangha sapagkat hindi pa nila nauunawaan ang tunay na kahulugan ng nangyari sa tinapay; hindi pa ito abot ng kanilang isip.

Pagninilay:

“Sir, kayo po ay inaatake sa puso,” seryosong sabi sa akin ng mga doctor ng ER ng Family  Care Hospital habang isinasakay nila  ako  sa  isang ambulansya. “Kayo po ay aming dadalhin sa Perpetual Help Hospital dahil ang kanilang ICU ay may sapat na mga kagamitan para sa mga inaatake sa puso gaya ninyo,” patuloy na sabi nila. Napatingin ako sa aking relo at ang oras ay alas 9:00 pa lang ng umaga. Sobrang napakaaga sa araw na iyon upang pumanaw sa mundo! Inaaliw ko ang aking sarili subalit ang aking kalooban ay binabalot ng takot at pangamba. Ilang minuto pa lang, kasama ang aking maybahay na si Estella, ako’y nagmamaneho papuntang Family Care Hospital para sa isang emergency medical check up. Nananakit ang aking dibdib, nang panahong iyon, na tila bang may mabigat na bagay na nakadiin at ako’y nahihirapang huminga. Naganap ito isang umaga habang ako’y nag-eehersisyo (aerobics  at pagbubuhat ng 5 librang dumb bells) Napagpasyahan ng mga doktor na ako nga ay may Acute Myocardial Infarction o atake sa puso pagkatapos sumailalaim sa isang serye ng pagsusuril, kasama na rito ang X-ray  at  ECG.

Habang ako’y dali-daling isinasakay sa ambulansya papuntang  Perpetual Help Hospital, di ko maiwasan ang mag-isip ng mga di kanais-nais na mga sitwasyon. Sa ICU, sinikap kong maging kalmado subalit ako’y nahintakutan pa rin at walang magawa habang pinapainom ng mga doctor ng gamot, nilalagyan  ng  tubo ng  oxygen at kinakabitan ng mga aparatong titingin sa kalagayan ng aking puso. Noon din, napagtanto kong tanging panalangin lamang ang magbibigay sa akin ng kapayapaan. Kaya ako’y taimtim at masidhing nanalangin. Ako’y personal na nakipag-usap sa Panginoong Jesus at matiyagang naghintay ng kanyang tugon. Noong panahong iyon ng aking buhay sumagi sa aking isipan ang tinuran ni Jesus sa kanyang mga natatakot na mga apostol na noon ay nakita siyang lumalakad sa ibabaw ng tubig gaya ng isang multo: “Lakasan ninyo ang inyong loob. Ako ito! Huwag kayong matakot.” Sa pagkakataong ito, hindi lamang sinasabi ni Jesus na sila’y kanyang ililigtas sa rumaragasang unos. Sinasabi rin niyang "Kayo ang aking mga saksi na aking hinirang upang ako’y kilalanin at sampalatayanan. Huwag kayong matakot.  Ako’y lagi ninyong kasama. Ako ang inyong Diyos."

Habang  ako’y nananalangin  at  nagninilay,  naramdaman kong  isang bagong kalakasan   ng  loob  ang  bumalot  sa akin na  siyang nagtulak  upang  matanggap nang bukal sa loob ang aking kapalaran. Itong agaw-buhay na pangyayari ay naganap mahigit isang dekada na ang nakalilipas. Ang pagsubok na yaon ay aking nalagpasan! Araw-araw mula noon, walang tigil akong nagpapasalamat sa biyaya ng buhay upang ang Diyos at ang aking kapwa ay higit pang mapaglingkuran. (Romeo S. Palileo)

No comments:

Post a Comment