Thursday, January 8, 2015

Enero 8, 2015

Lucas 4:14-22a


Bumalik sa Galilea si Jesus na sumasakanya ang kapangyarihan ng Espiritu. Napabalita sa mga karatig-bayan ang tungkol sa kanya. Nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga at hinahangaan naman siya ng lahat.

Umuwi si Jesus sa Nazaret, ang bayan na kung saan siya lumaki. Gaya ng kanyang nakaugalian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumayo siya upang bumasa, at doo'y ibinigay sa kanya ang kasulatan ni Propeta Isaias. Binuksan niya ito sa dakong kinasusulatan ng ganito: “Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin, sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila'y lalaya, at sa mga bulag na sila'y makakakita. Isinugo ako upang palayain ang mga inaapi, at upang ipahayag na darating na ang panahon ng pagliligtas ng Panginoon.”

Inirolyo niya ang kasulatan, at matapos isauli sa tagapag-ingat, siya'y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga, at sinabi niya sa kanila, “Ang kasulatang ito na inyong narinig ay natupad ngayon.” Pinuri siya ng lahat, at humanga sila sa kanyang napakahusay na pananalita. “Hindi ba ito ang anak ni Jose?” tanong nila.


Pagninilay:

Ano man ang misyon natin sa buhay, o ano man ang tawag sa atin ng Diyos kailangan natin ang tatag ng loob upang ito’y isakatuparan. Subalit ang tapang humarap sa mga hamon na ating susuungin ay hindi natin makukuha o makakamit lamang sa sarili nating galing o kalakasan. Bagama’t ito’y magbibigay sa atin ng tiwala sa sarili na kakailanganin natin sa ating misyon, darating din ang oras na tayo’y manghihina dahil ito ang katangian natin bilang tao. Bilang mga nilalang ang ating galing at kalakasan ay may hangganan. Sa tapat at matagumpay na pagtupad ng ating misyon, maging ito ay pagiging doktor, guro, pari, madre o pagiging magulang man kailangan natin ng kalakasan at karunungang magmumula sa Diyos. Subalit ito’y atin lamang makakamit kung tayo’y papasailalim sa gabay ng Banal na Espiritu sa isang buhay - panalangin tulad ni Jesus na kumilos hindi ayon sa kanyang kagustuhan kundi ayon sa kalooban ng Diyos.

Sa atin bang pang araw – araw na pagtupad ng ating misyon, tayo ba’y nagpapailalaim sa patnubay ng Diyos tulad ng Panginoong Jesus o tanging nagtitiwala lamang sa atin sariling lakas at galing? 



No comments:

Post a Comment