Lucas 5:12-16
Nang si Jesus ay nasa isang bayan, nakita siya ng isang lalaking ketongin. Nagpatirapa ito at nakiusap, “Panginoon, kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis.”
Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Nais kong gumaling ka at luminis!” At noon di'y nawala ang kanyang ketong. Pinagbilinan siya ni Jesus, “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay pumunta ka sa pari at magpasuri. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog ayon sa iniuutos ni Moises bilang patotoo sa mga tao na ikaw nga'y magaling na.”
Ngunit lalo pang kumalat ang balita tungkol kay Jesus, kaya't dumaragsa ang napakaraming tao upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga sakit. Ngunit si Jesus naman ay pumupunta sa mga ilang na lugar upang manalangin.
Pagninilay:
Ako’y nanirahan dati sa isang lugar na di kalayuan sa Tala, Leprosarium, isang ospital at tahanan ng mga ketongin sa Novaliches, Caloocan City. Minsan, may mga ketonging sumasakay ng dyip. Kapag, nakikita ito ng mga pasahero, sila’y umiiwas at hindi sumasakay sa takot na sila’y mahawaan ng ketong. Hindi lamang ito, kahit sila saan magpunta sila’y nilalayuan ng mga tao, pinandidirihan.
Ang mga may ketong ay sadyang kahabag-habag, hindi dahil mismo sa kanilang karamdaman, kundi sa pagtakwil sa kanila ng kanilang kapwa na dapat sana’y kumakalinga sa kanila. Ang ikaw ay ituring na salot at kadiri-diri ay mas masakit kaysa sa sa karamdaman ng ketong. Ang pagdurusang ito marahil ang nagtulak sa ketongin na lumapit sa Panginoon upang siya’y mapagaling nang sa gayon ay muli siyang matanggap ng kanyang kapwa at ng lipunan.
Ang pagdurusang ito ay damang-dama ng mahabaging puso ng Panginoon. Bagama’t pinagbabawal sa mga Hudyo ang lumapit sa mga ketongin dahil sa tinuturing silang marumi si Jesus ay hindi lamang lumapit, bagkus hinawakan pa ito at pinagaling. Di niya inalintana ang inaasahang panlilibak ng mga Pariseo at ng kapwa niya Hudyo. Hindi siya nandiri at pinadama niya ang awa, habag at pagmamahal na kinakailangan ng ketonging iyon. At dahil sa mapagpagaling na pagmamahal ni Jesus ang ketongin ay gumaling.
Bilang mga Kristyano, nadarama ba natin ang paghihirap ng kalooban ng ating kapwa katulad ng Panginoong Jesus? Nahahabag ba tayo sa kanilang kalagayan at ipinadarama ba natin ang ating pagmamahal sa pamamagitan ng pagtulong at pagkalinga sa kanila? O di naman, tayo ba’y nagbibing-bingihan at nagbubulagan lamang dahil ayaw natin maabala?
No comments:
Post a Comment