Saturday, January 10, 2015

Enero 10, 2015

Juan 3:22-30

Pagkatapos nito, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa lupain ng Judea. Nanatili sila roon nang kaunting panahon, at nagbabautismo ng mga tao. Samantala, si Juan ay nagbabautismo naman sa Enon, malapit sa Salim, sapagkat maraming tubig doon. Pumupunta sa kanya ang mga tao at nagpapabautismo. Hindi pa noon nabibilanggo si Juan.

Minsan, nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol sa rituwal ng paglilinis. Kaya't pumunta sila kay Juan at sinabi sa kanya, Guro, naaalala pa po ba ninyo ang lalaking kasama ninyo sa ibayo ng Jordan, na inyong pinatotohanan? Siya po ay nagbabautismo rin at nagpupuntahan sa kanya ang lahat!

Sumagot si Juan, Walang sinumang tatanggap ng anuman malibang ito'y ipagkaloob sa kanya ng Diyos. Kayo mismo ang makakapagpatunay na sinabi kong hindi ako ang Cristo; isa lamang akong sugo na mauuna sa kanya. Sa isang kasalan, ang babaing ikakasal ay para lamang sa lalaking ikakasal. Ang abay na naghihintay sa pagdating ng lalaking ikakasal ay lubos na nagagalak kapag narinig niya ang tinig nito. Gayundin naman, lubos na ang aking kagalakan ngayon. Kinakailangang siya ang maging dakila at ako nama'y maging mababa.

Pagninilay:

Ang kapakumbabaan ay katotohanan, at ang kapalaluan ay kasinungalingan. Si Juan ay panig sa katotohahan at mapagkumbaba dahil sinasabi lamang niya ang totoo: Na hindi siya ang Kristo at isa lamang siyang sugong mauuna sa kanya at ang misyong ito ay kaloob sa kanya ng Diyos na kanya lamang sinusunod. Kung si Juan ay napatukso sa tawag ng kapalaluan o kayabangan na napakadali dahil marami rin siyang tagasunod gaya ni Jesus, nagsinungaling sana siya at buong pagpapanggap na sinabi: “Oo ako ang Kristo dahil ako ay maraming tagasunod na naniniwala sa akin.” Ngunit hindi ito ginawa ni Juan dahil siya ay nasa panig ng katotohahan dahil ang Diyos mismo ay katotohanan. At kung si Juan man ay totoo at mapagkumbaba, at hindi sinungaling at palalo, ito’y dahil sa ang kanyang buhay ay nakatuon sa Diyos at nakaugat sa panalangin. Sa kabilang dako yaong mga sinungaling at palalo ay nakasentro lamang sa kanilang sarili.

Ako ba’y tulad ni Juan na mapagkumbaba at namumuhay sa katotohanan o ako ay palalo at namumuhay sa pagpapanggap at kasinungalingan? Saang aspeto ng aking buhay ako hindi totoo? 



No comments:

Post a Comment