Marcos 1:7-11
Ito ang ipinapahayag niya sa mga tao, “Ang darating na kasunod ko ay higit na makapangyarihan kaysa sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat yumukod at magkalas man lamang ng tali ng kanyang sandalyas. Binautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babautismuhan niya kayo sa Espiritu Santo.” Nang panahong iyon, dumating si Jesus mula sa Nazaret sa Galilea, at siya'y binautismuhan ni Juan sa Ilog Jordan. Pagkaahung-pagkaahon ni Jesus sa tubig, nakita niyang bumukas ang kalangitan at bumababa sa kanya ang Espiritu na tulad ng isang kalapati. Narinig niya ang isang tinig na mula sa langit at nagsasabing, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”
Pagninilay:
Isinasaad sa ebanghelyong ito na si Jesus ay tumulong sa isang taong may malubhang karamdaman. Hindi humingi ng kapalit si Hesus sa pagpapagaling niyang isinagawa sa may sakit at hindi pa niya gustong malaman na naipagaling niya ito. Ito’y sapagkat ang kanyang ginawang pagtulong ay taos puso niyang ginawa para sa kanyang kapwa.
Sa panahon ngayon marami siguro sa paligid natin ang humihingi ng tulong sa atin. Kadalasan, hindi natin sila pinapansin, hindi natin tinutulungan, o kaya nama’y hinihingan pa natin ng kapalit ang nagawa nating pagtulong sa kanila. Minsan, hindi natin naiisip na ang maliit na tulong na maiaabot natin sa ating kapwa ay malaking bagay na sa kanila. Minsan, ayaw natin tumulong sa kadahilanang ayaw natin mapahamak, ayaw nating may pinoproblema pa o dahil ayaw lang talaga nating tumulong.
Maraming pagkakataon na ito’y aking naranasan. Matulungin akong tao, pero hindi ako ganoon lagi sa aking kapwa. Nung isang araw habang ako’y naglalakad papasok sa aking opisina, may nakita akong matanda na nanghihingi ng limos, dala - dala niya ang kanyang medical transcription na listahan ng kanyang mga gamot. Wari ko’y nanghihingi siya ng limos para may mabiling gamot. Hindi ko makalimutan ang pangyayaring yun dahil hindi ko siya nabigyan ng ano mang pera, dahil nagmamadali na akong pumasok. Pero pagkalagpas ko sa kanya ako’y lalong naawa at napaisip ng malalim na sana’y nabigyan ko man lang siya ng pera. Napaluha na lang ako nang maalala kong wala na siyang pamilya at may sakit pa, na nanghihingi ng tulong sa iba at di ko man lang nagawang tulungan siya. Ipinagdasal ko ang taong yun nung nakita ko siya at sinabi ko sa Diyos na “Sana po’y pagalingin niyo na siya.” Sa pamamagitan na lang ng dasal ko naibigay ang tulong ko sa kanya. Simula noon, hindi ko na ulit nakita ang matanda. Andoon pa rin ang pagsisisi ko na di ko siya nagawang tulungan.
Kaya kung may mga tao sa paligid natin na nanghihingi ng tulong, tulungan natin. Kahit sa maliit na paraan lamang, may maitutulong pa rin tayo sa kanilang malaki. Kung natulungan ko lang ang matandang yun, baka nakita ko pa siya ulit. Sana kapag may humihingi ng tulong sa atin ay wag natin balewalain at higit sa lahat, tumulong tayo ng taos puso sa ating kapwa ng walang hinihinging kapalit at nang hindi ipinagmamalaki sa iba, katulad ng ginawang pagtulong ni Hesus sa taong may sakit.
No comments:
Post a Comment