Marcos 1:14-20
Nang ibinilanggo na si Juan, si Jesus ay nagpunta sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balitang mula sa Diyos. Sinabi niya, “Dumating na ang takdang panahon. Malapit nang maghari ang Diyos! Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan. Paniwalaan na ninyo ang Magandang Balita!” Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon at Andres na nanghuhuli ng isda sa pamamagitan ng lambat. Sila'y kapwa mga mangingisda. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at kayo'y gagawin kong mangingisda ng mga tao.” Pagkasabi niya nito'y agad iniwan ng magkapatid ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
Nagpatuloy siya sa paglalakad, at sa di-kalayuan ay nakita naman niya ang magkapatid na Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa kanilang bangka at nag-aayos ng mga lambat. Tinawag din sila agad ni Jesus at sila ay sumunod din sa kanya. Iniwan nila sa bangka ang kanilang ama na kasama ang kanilang mga upahang manggagawa.
Pagninilay:
Ngayon, hindi kahapon, bukas o mamaya ang tamang panahon ng Diyos. Nang tinawag ng Panginoong Jesus ang magkapatid na Simon at Andres; at Santiago at Juan hindi nila sinabing bukas o mamaya na lang po Panginoon. Sila ay walang atubiling sumunod ngayon.
Ang bawat minuto ay may kaakibat na biyaya na kung ating palalampasin ay maaaring mawala. Sa agarang pagsunod ngayon nina Simon, Pedro, Santiago at Juan, hindi lamang nila nakamit ang biyayang maging alagad ng Panginoon at masayang makabahagi sa kanyang panglupang buhay kundi nakamit din nila ang isang buhay na walang hanggan kapiling Niya. Kung ipinabukas o mamaya nila ang pagtugon malamang di nila ito nakamit sapagkat sila’y maaring tamarin o mawalan nang gana o ang Panginoon ay may napili nang iba.
Kung ako’y tinatawag ng Panginoong Jesus sa pagtupad ng aking mga gawain sa araw-araw, ito ba’y ginagawa ko kaagad ngayon katulad ng agarang pagsunod sa kanyang tawag ng mga alagad na si Andres, Simon, Santiago at Juan?
No comments:
Post a Comment