Tuesday, January 13, 2015

Enero 13, 2015; San Hilario, obispo at pantas ng Simbahan

Marcos 1:21-28

Nagpunta sina Jesus sa Capernaum, at nang sumunod na Araw ng Pamamahinga ay pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. Namangha ang mga tao sapagkat nagtuturo siya nang may kapangyarihan, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan.

Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking sinasapian ng masamang espiritu. Ito'y sumigaw, “Ano ang pakay mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang kami'y puksain? Kilala kita, ikaw ang Banal na mula sa Diyos.”

Ngunit iniutos ni Jesus sa masamang espiritu, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!” Pinangisay ng masamang espiritu ang lalaki at sumisigaw itong lumabas sa kanya. Ang lahat ay namangha kaya't sila'y nagtanungan sa isa't isa, “Paanong nangyari iyon? Ito ay isang kakaibang katuruan! Makapangyarihan niyang nauutusan ang masasamang espiritu, at sumusunod naman ang mga ito sa kanya." Dahil dito, mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Jesus.


Pagninilay:

Kung ating iniisip na ang taong banal ay malayo sa demonyo o sa masamang espiritu, tayo’y nagkakamali. Ang masasamang espiritu ay higit na lumalapit sa mga taong malapit sa Diyos tulad ng Panginoong Hesus na nilapitan ng isang masamang espiritung nakasapi sa isang lalaki. 

Hindi lang iyon. Ang masamang espiritu ay mapaglinlang. May kapangyarihang ito magpuri sa Diyos kaya’t kung di tayo mapanuri at wala sa atin ang Banal na Esiritu hindi natin ito matatanto at tayo ay kanyang malilinlang at mailalayo sa tunay na kalooban ng Diyos para sa atin. Subalit ang Panginoong Jesus ay higit na makapangyarihan sa masamang espiritu. Tanto niya ang masamang pakay nito – ang gambalain ang mga nakikinig at ilayo ang atensyon nila sa Salita ng Diyos. Kaya’t ito’y kanyang pinalayas sa katawan ng lalaki at ang masamang espiritu naman ay dali-daling sumunod. Dahil dito ang mga tao ay lalong namangha sa Panginoong Jesus. 

Tayo man ay nahaharap sa masasamang espiritu araw – araw. Ito ay nagkukubli sa anyo ng katamaran, galit, pagkagahaman, tawag ng laman at kapalaluan. Bilang mananampalataya madali ko bang nakikita ang masasamang espiritung ito? Kung ito’y aking nakikita pinagsusumikapan ko ba itong mapalayas sa pamamagitan ng panalangin at mabuting gawa? O ako ba’y nagpapaalipin na lamang sa masasamang espiritung ito?



No comments:

Post a Comment