Wednesday, January 14, 2015

Enero 14, 2015

Marcos 1:29-39

Mula sa sinagoga, si Jesus, kasama sina Santiago at Juan, ay nagtuloy agad sa bahay nina Simon at Andres. Noon ay nakahigang nilalagnat ang biyenan ni Simon at ito'y agad nilang sinabi kay Jesus. Kaya't nilapitan ni Jesus ang babae, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Noon di'y gumaling ito at naghanda ng pagkain para sa kanila.

Pagsapit ng gabi, pagkalubog ng araw, dinala kay Jesus ang lahat ng maysakit at ang mga sinasapian ng demonyo. Halos lahat ng mga tagaroon ay nagkatipon sa harap ng bahay. Pinagaling ni Jesus ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman. Pinalayas din niya ang mga demonyo, at hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito sapagkat alam nila kung sino siya.

Madaling-araw pa'y bumangon na si Jesus at nagpunta sa isang lugar kung saan maaari siyang manalanging mag-isa. Hinanap siya ni Simon at ng mga kasama nito, at nang matagpuan siya ay sinabi nila, “Hinahanap po kayo ng mga tao.” Ngunit sinabi niya sa kanila, “Kailangang pumunta rin tayo sa mga karatig-bayan upang makapangaral ako roon. Ito ang dahilan ng pagparito ko.” Nilibot nga ni Jesus ang buong Galilea. Nangaral siya sa kanilang mga sinagoga at nagpalayas ng mga demonyo.


Pagninilay:

Sa aking pagbasa ng ebanghelyo ayon kay San Marcos, dalawang mensahe ang aking nabatid. Una, si Jesus ay handang tumulong. Pangalawa, ang tulong ni Jesus ay para sa lahat. Si Jesus ay walang paboritismo. Hindi siya nagbibigay sa mga piling tao lamang kundi ginagawan rin niya ng paraan upang makatulong sa lahat sa abot ng kanyang makakaya.

Sa panahon natin ngayon lalo na sa Pilipinas, kung saan laganap ang sakuna, trahedya at kahirapan, ang salitang tulong ay madalas na nating naririnig, sinasabi at ginagawa. Subalit ang tulong ba na alam at ginagawa natin ay siyang tulong alinsunod sa halimbawa ni Jesus?

Dapat nating tandaan, na ang pagtulong ay dapat taos-puso. Sa tuwing magbibigay tayo ng limos sa pulubi matapos mo siyang pagsabihan ng tamad o mabaho o sa tuwing pagwawagayway natin ng limang daang piso bago ilagay sa buslo tuwing misa para lang makita ng iba, ito ba ay taos-puso?

Ang tulong ay para sa lahat ng nangangailangan. Mahirap man tulungan ang taong kaaway, ngunit kung siya ay nangangailangan, dapat natin itong tulungan. Marami mang tao ang hindi naglalaan ng oras, pera at kakayanan para sa ibang taong hindi nila kaano-ano, huwag natin silang pamarisan.

Marahil may mga nagsasabing “madali kasing tumulong si Jesus dahil siya ay Diyos”. Oo nga! Si Jesus ay totoong Diyos ngunit siya rin ay totoong tao tulad natin. Maliban dito, hindi natin kailangan ang kapangyarihan ni Jesus bilang Diyos upang makatulong sa kapwa. Kailangan lang natin gayahin ang kabaitan niya bilang tao, na siya niyang nais para sa atin. At ang nais lang naman ni Jesus ay tumulong tayo sa lahat nang nangangailangan, sa abot ng ating makakaya nang walang pag-iimbot.

Ang kabaitan ni Jesus bilang tao, tulad nang kanyang pagtulong at pagmamalasakit sa kapwa ay kaya nating tularan at isagawa.



No comments:

Post a Comment