Thursday, January 15, 2015

Enero 15, 2015; San Pablo Unang Ermitanyo, patron ng Diyosesis ng San Pablo

Marcos 1:40-45

At naparito si Juan na isinugo ng Diyos upang magpatotoo sa mga tao patungkol sa ilaw at upang ang lahat ay sumampalataya dito. Hindi siya ang ilaw subalit naparito siya upang magpatotoo patungkol sa ilaw. Ang mga pinuno ng mga Judio sa Jerusalem ay nagsugo ng ilang paring Judio at Levita upang itanong kay Juan kung sino nga ba siya. Hindi nagkaila si Juan; sa halip ay maliwanag niyang sinabi, Hindi ako ang Cristo. “Sino ka kung gayon?” tanong nila. “Ikaw ba si Elias?” “Hindi ako si Elias”, tugon niya. “Ikaw ba ang Propeta?” Sumagot siya, “Hindi rin.” “Sino ka kung gayon? Sabihin mo kung sino ka upang may masabi naman kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” tanong nilang muli. Sumagot si Juan sa pamamagitan ng pangungusap mula sa aklat ni Propeta Isaias, “Ako ang tinig ng isang taong sumisigaw sa ilang, tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon.” Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. Muli nilang tinanong si Juan, "Bakit ka nagbabautismo, gayong hindi naman pala ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang Propeta?" Sumagot si Juan, "Ako'y nagbabautismo sa tubig, ngunit nasa inyong kalagitnaan ang isang hindi ninyo nakikilala. Darating siyang kasunod ko subalit hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas." Ang mga ito'y nangyari sa Bethania, sa silangan ng Ilog Jordan na pinagbabautismuhan ni Juan.


Pagninilay:

Ang kwentong ito tungkol sa isang ketongin na buong pagmamakaawang hiniling kay Jesus na siya’y pagalingin ay nagpapatotoo na ang Diyos ay Diyos ng habag at awa. Ipinapakita ng Diyos na ang kanyang pag-ibig at awa ay saganang ipinagkakaloob sa bawat nilalang na humihingi nito sa kanya lalong-lalo na kung hinihiling nang buong pagpapakumbaba. Ang ketongin ay nanikluhod sa harapan ni Jesus, humingi ng awa at ito’y pinagkaloob.

Ang ganitong uri ng habag at awa ng Diyos ay ipinahiwatig niya sa aking mag-anak nang ang aking maybahay na si Clemen ay malubhang nagkasakit at naospital. Sa gitna ng sakit at hirap taos puso kong hiniling ang tulong ng Diyos sa pamamagitan ng panalangin ni San Jose na si Clemen ay pagalingin. Salamat sa Diyos si Clemen ay gumaling at buhay na patotoo sa walang hangganang pag-ibig niya sa amin. Hindi dito nagtapos ang awa sa amin ng Panginoon. Si Clemen noon ay kailangang sumailalim ng panghuling pagsusuri hinggil sa bukol sa kanyang dibdib. Ngunit bago siya magpatingin sa doktor, kami’y inanyayahang ng aming kaibigang pumunta sa Kamay ni Jesus sa Lucban at ipanalangin ang kagalingan ng aking maybahay. Malaking himala! Nang kami ay pumunta sa ospital sa pinagkasunduang petsa walang anumang bahid ng bukol ang nakita sa resulta ng x-ray!

Ang ikatlong himala ay naganap noong nakaraang taon. Ayon sa mga doctor si Clemen, ay mayroon kanser sa balat kaya’t nangailangan siyang operahan. Ayon sa resulta ng biopsy ito ay benign at hindi na kailangang sumailalim sa chemo/radio therapy. Purihin ang Diyos! Ang aking mag-anak ay buhay na patotoo sa walang hanggang kabutihan ng Maykapal!.

Ang saganang awa at habag na ito ng Diyos ang nais ipalaganap ng ating Santo Papang, Pope Francis. Kaya naman hinihikayat niya ang lahat na magkawanggawa at maging mahabagin sa kapwa. Ang ganitong uri ng pagiging makaDiyos ang nais mamalas ng Santo Papa sa pagdalaw niya sa Pilipinas sa Enero 2015 dahil ang tunay na pagpapalaganap ng Salita ng Diyos ay ang pakikiisa ng sangkatauhan sa awa at habag ng Diyos.

(Antonio G. Barrameda Sr.)



No comments:

Post a Comment