Monday, January 5, 2015

Enero 5, 2015

Mateo 4:12-17, 23-25

Nang mabalitaan ni Jesus na ibinilanggo si Juan, bumalik siya sa Galilea. Ngunit hindi na siya sa Nazaret nanirahan, kundi sa bayan ng Capernaum na nasa baybayin ng Lawa ng Galilea na sakop ng Zebulun at Neftali. Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias, “Lupain ng Zebulun at lupain ng Neftali, daanang papunta sa lawa, sa ibayo ng Jordan, sa Galilea ng mga Hentil! Ang mga taong nasa kadiliman ay nakakita ng maningning na ilaw! Sa mga nakatira sa lilim ng kamatayan ay sumikat ang liwanag.”

Magmula noon ay nangaral na si Jesus. Itinuturo niyang, “Magsisi na kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit.” Nilibot ni Jesus ang buong Galilea. Nagtuturo siya sa mga sinagoga at ipinapangaral ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinapagaling din niya ang lahat ng mga taong may sakit at karamdaman.

Ang balita tungkol sa kanya ay kumalat sa buong Siria kaya't dinadala sa kanya ang lahat ng maysakit at mga nahihirapan dahil sa iba’t ibang karamdaman, mga sinasapian ng mga demonyo, mga may epilepsya at mga paralitiko. Silang lahat ay kanyang pinagaling. Dahil dito, sinusundan siya ng napakaraming tao buhat sa Galilea, sa Decapolis, Jerusalem, Judea, at maging sa ibayo ng Jordan.

Pagninilay:

Ako’y nasa kadiliman noon. Sa aking pagbabasa at pakikinig sa Salita ng Diyos, natanto ko na ang karamdaman ay bunga ng kasalanan. Napagmuni-muni ko na ang aking sakit na diabetes ay dala ng aking pagkakasala at pagkukulang sa aking mga supling, sa aking pagpapabaya at di pag-aasikaso sa kanila, sa di ko pagsinop sa aking tahanan, sa di wastong pagsunod sa kanilang layaw, sa di pagsawata sa mga gawaing di kalugod-lugod, sa aking pagmamapuri at pagkamakasarili, sa aking kawalan ng kahinahunan at kababaang –loob.

Ngayon, aking kinikilala ang aking mga pagkakamali at ang mga ito’y tinatalikuran ko. Nais kong maging hubad sa kasalanan sa harapan ng Diyos at magkaroon ng isang mahaba at maligayang buhay sa ngalan ni Jesus. Amen.
(Sis. Prescy Moreno)


No comments:

Post a Comment