Saturday, January 3, 2015

Enero 3, 2015

Kabanal-banalang Pangalan ni Hesus

Juan 1:29-34

Kinabukasan, nakita ni Juan na si Jesus ay lumalapit sa kanya. Kaya’t sinabi niya, “Tingnan ninyo, siya ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan. Siya ang tinutukoy ko nang sabihin kong ang dumarating na kasunod ko ay higit sa akin, sapagkat siya'y naroon na bago pa man ako ipanganak. Hindi ko rin siya kilala noon subalit ako'y naparitong nagbabautismo sa tubig upang ipakilala siya sa Israel.”

Ganito ang patotoo ni Juan: “Nakita ko ang Espiritu na bumababa na parang isang kalapati na buhat sa langit at nanatili sa kanya. Hindi ko nga siya kilala noon. Ngunit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ang siya ring nagsabi sa akin, Ang sinumang makikita mong bababaan at pananatilihan ng Espiritu, siya ang magbabautismo ng Espiritu Santo sa inyo. Ngayon ay nakita ko siya, at pinapatotohanan kong siya ang Anak ng Diyos.”

Pagninilay:

Si Juan ay mapalad sapagkat nakita niya si Jesus, ang anak ng Diyos, na pumapalapit sa kanya.  Namasdan din niyang nananaog mula sa kalangitan ang Espiritu Santo sa anyong kalapati at bumababa sa taong ipinapakilala niya sa tanan na magliligtas sa kanila sa mga kasalanan.  At si Juan ay mapagpakumbaba rin. Bagama’t kinikilala siya ng mga taong propeta, tahasan niyang ipinahayag na may isang taong darating na higit na dakila at magbabautismo ng Banal na Espiritu sa sambayanan ng Israel.  Siya ay nagbibinyag ng tubig upang malaman ng mga tao na mayroon darating na higit na makapangyarihan at ito ay ang Anak ng Diyos.

Sa sariling obserbasyon, namasdan kong may mga taong tumataas ang tingin sa kanilang sarili kaysa sa iba kapag nagkakaroon ng koneksyon sa mga tanyag at makapangyarihang tao o nagkakaroon ng mataas na posisyon sa lipunan. Minsan, sila’y nananamantala at nang-aapak ng iba para sa sarili nilang kapakanan.

Ang pagpapakumbaba ay nararapat nating kamtin at isabuhay katulad ni Juan Bautista. Bagama’t dinadakilang propeta ng kanyang mga kababayan, buong kapakumbabaan niyang ipinahayag ang pagdating ni Hesus, na higit na makapangyarihan, at hindi siya karapat-dapat na yumukod man lamang at magkalag ng mga panali ng sandalyas nito.


No comments:

Post a Comment