Friday, January 30, 2015

Enero 30, 2015

Marcos 4:26-34

Sinabi pa ni Jesus, “Ang kaharian ng Diyos ay maitutulad sa isang taong naghasik ng binhi sa kanyang bukid. Natutulog siya kung gabi at bumabangon kung araw. Samantala, ang binhi ay tumutubo at lumalago ngunit hindi alam ng naghasik kung paano. Ang lupa ang nagpapasibol at nagpapabunga sa mga pananim; usbong muna ang lumilitaw, saka ang tangkay; pagkatapos, nahihitik ito sa butil. Kapag hinog na ang mga butil, agad niya itong ipagagapas sapagkat panahon na para ito'y anihin.”

“Saan pa natin maihahambing ang kaharian ng Diyos? Anong talinhaga ang gagamitin natin upang mailarawan ito?” tanong ni Jesus. “Ang katulad nito ay butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi. Ngunit kapag itinanim, ito'y lumalago at nagiging pinakamalaki sa lahat ng tanim; ito'y nagkakasanga nang mayabong, kaya't ang mga ibon ay nakakapamugad sa lilim nito.”

Ipinangaral ni Jesus sa kanila ang mensahe sa pamamagitan ng maraming talinhagang tulad ng mga ito, ayon sa abot ng kanilang pang-unawa. Hindi siya nangaral sa kanila nang hindi gumagamit ng talinhaga; ngunit ipinapaliwanag niya ang mga ito sa kanyang mga alagad kapag sila-sila na lamang.


Pagninilay:

Taong 1994 ng mabigyan ng pagkakataon ang aming pamilya na ampunin si Cory, isang 8 taong gulang na bata. Noong mga panahon na iyon, nasa krisis ang kanilang pamilya at silang mga magkakapatid ay nagkahiwa-hiwalay dala ng maraming problema at kahirapan ng buhay. Magkasama kami sa aking kwarto at hati kami sa lahat ng bagay. Walang gabi na hindi kami nag-uusap kahit anong pagod namin sa pag-aaral; at sabay kami magdasal bago matulog. 

Naalala ko, madalas ko siyang pagsabihan: “Okay lang yang nangyari sa ‘yo. ‘Wag mo gaanong dibdibin yan. Forgive and try to forget. Tapos na ‘yan. Mahalaga, makapagtapos ka at matutunan mo ang makibagay sa kapwa.” 

Lumipas ang maraming taon at si Cory ay kinuha na kanyang hipag. Nagulat ako ng tawagan niya ako isang bisperas ng Pasko. Sabi niya: “Ate, sana madala kita dito sa Dubai. Mahirap na masaya ang trabaho basta huwag ka lang mapili. Sabi mo mga sa akin, matuto ako makibagay sa ibang tao, di ba? Dito Ate, iba’t ibang lahi ang nakakasalamuha ko. Pinakikisamahan ko silang mabuti gaya ng sabi mo sa kin dati.” Natuwa ako sa mga sinabi niya dahil hindi pala niya kinalimutan ang mga payo at paalala ko sa kanya. Hindi ko inakala na nakapagtanim ako ng kabutihan sa kanya. Sa ngayon, napag-aral niya ang kanyang mga kapatid at si Ernest ay papunta na rin ng Middle East para magtrabaho. Ang aking naibahaging payo sa kanya ay siya ring kanyang ibinabahagi sa kanyang mga kapatid.

Sa mga sandaling ito, tanungin natin ang ating sarili, “Nakapagtanim ba ako ng butil ng pananampalataya at kabutihan sa araw na ito sa ibang tao?” Napakahalaga ng pagninilay na ito sa atin bilang Kristiyano upang hindi natin makalimutan ang isa sa mahalaga nating misyon sa buhay – ang makapagtanim ng butil ng Panginoon sa puso ng ating kapwa sa pamamagitan ng pagbabahagi at pagsasabuhay nito gaya ng nasasaad sa Marcos 4: 26-34. 


No comments:

Post a Comment