Marcos 3:7-12
Umalis si Jesus at ang kanyang mga alagad at sila'y nagpunta sa tabi ng lawa. Sinundan siya roon ng napakaraming taong buhat sa Galilea, sa Judea, sa Jerusalem, sa Idumea, sa ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon. Sumunod sila kay Jesus dahil nabalitaan nila ang lahat ng ginagawa niya. Dahil napakarami ng mga tao, inutusan ni Jesus ang kanyang mga alagad na maghanda ng isang bangkang masasakyan niya upang hindi siya maipit ng mga taong dumaragsa. Sapagkat marami na siyang pinagaling, dinudumog siya ng lahat ng maysakit upang mahawakan man lamang siya. Bawat taong sinasapian ng masamang espiritu na makakita sa kanya ay nagpapatirapa sa harapan niya at sumisigaw, "Ikaw ang Anak ng Diyos!" Ngunit mahigpit silang inutusan ni Jesus na huwag ipagsabi kung sino siya.
Pagninilay:
Dahil sa kanyang mga kabutihang ginawa lalo na ang kanyang mga himala, di maiiwasang si Jesus ay maging tanyag at ang pangalan niya’y maging bukambibig. Kahit mga masasamang espiritu ay nakakikilala sa kanya! Ngunit ang Panginoon na huwaran sa kapakumbabaan ay nanatiling mailap sa tawag ng katannyagan. Mas nais pa niyang hindi siya kilala at ang Ama lamang ang papurihan at pasalamatan. Ito ang siyang nararapat na pag-uugali ng isang lingkod ng Diyos na nais ng Panginoon na ating tularan, naglilingkod sa ikaluluwalhati ng Diyos, hindi sa ating sariling katanyagan.
Sa akin bang paglilingkod sa Diyos tanging kaluwalhatian ba lamang ang aking ninanais o ako’y naglilingkod upang makilala at maging tanyag?
No comments:
Post a Comment