Marcos 3:13-19
Pagkatapos nito, umakyat si Jesus sa bundok kasama ang mga taong pinili niya at sumunod sa kanya. Buhat sa mga taong iyon ay pumili siya ng labindalawa na tinawag niyang mga apostol. Hinirang niya ang mga ito upang maging kasa-kasama niya at upang suguing mangaral. Sila ay binigyan din niya ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo. Ito ang labindalawang hinirang niya: si Simon, na pinangalanan niyang Pedro; sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo, sila'y tinawag din niyang Boanerges, na ang kahulugan ay "mga anak ng kulog"; sina Andres, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na Makabayan, at si Judas Iscariote na siyang nagkanulo kay Jesus.
Pagninilay:
Ang Mabuting Balita po natin sa araw na ito ay tungkol sa paghirang ng ating Panginoon sa labindalawang Alagad upang makasama Niya at suguing mangaral. Binigyan rin sila ni Jesus ng kapamahalaang magpagaling ng mga sakit at magpalayas ng mga Demonyo. Tulad ng mga Apostol, tayo rin ay hinirang ng Diyos. Tayo ay pinili Niya bilang pinakamahalagang nilalang sa lahat ng Kanyang nilikha dahil nilalang niya tayo katulad at kawangis Niya. Pinili din niya tayong maging tagapamahala ng lahat ng Kanyang nilikha. Ngunit tulad ni Judas Iscariote, hindi tayo sumunod sa Kanya at pinagkanulo rin natin Siya sa pamamagitan ng paggawa ng kasalanan. Kaya tila napalayo tayo sa kanya. Dahil na rin sa pagmamahal ng Diyos sa atin, inalay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak para sa ating kaligtasan. At upang maipahayag ang magandang balitang ito humirang ang Panginoong Jesus ng labindalawang apostol.
Gaya natin makasalanan din tulad natin ang mga apostol. Ngunit kung ating pagninilayan, napili sila dahil sa biyaya at kaloob ng Diyos. Kung tutuusin hindi sila karapat-dapat kung ating pananaw ang ating titignan. Karamihan sa kanila ay mangingisda, hindi matatalino, at walang kaalaman sa pangangaral. Ngunit sa tulong ng Biyaya ng Diyos, naging karapat-dapat silang maging mga alagad Niya at ginampanan nila ito na may pananampalataya at pag-asa.
Tayo, bagamat makasalanan din, ay dapat tumulad sa labindalawang apostol na umahon sa kanilang mga bangka at iniwan ang lahat para sumunod sa kanya. Sana tayo rin bilang mga napiling maging tagasunod ng ating Panginoong Jesus ay makapaghayag at makapagsabuhay rin ng kanyang aral at utos. Humingi tayo ng tulong sa kanya upang magampanan itong may kababaang-loob. Huwag tayong matakot at mag-alinlangan tulad ng mga apostol na hindi natakot mamatay para sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Sa pamamagitan din ng Biyayang binibigay sa atin ng Poong Maykapal, nawa’y maging katulad din tayo ng mga apostol na sa gitna ng kanilang kahinaan ay nagsumikap na sumunod nang tapat sa Diyos.
No comments:
Post a Comment