Saturday, January 24, 2015

Enero 24, 2015; San Francisco de Sales, obispo at pantas ng Simbahan

Marcos 3:20-21

Pag-uwi ni Jesus, muling nagkatipon doon ang napakaraming tao kaya't hindi na sila nagkaroon ng pagkakataong kumain pa. Nang mabalitaan iyon ng kanyang mga kasambahay, sila'y pumaroon upang sawayin siya dahil sinasabi ng mga tao na siya'y nasisiraan ng bait.


Pagninilay:

Ang pangalang Beelzebul ay hango sa isang prinsipe ng mga demonyo. Noong unang panahon si Jesus ay nanggagamot at nagpapagaling ng mga taong may sakit. Dahil doon, ang mga tao ay nagtataka at sinasabing si Jesus ay sinasaniban ng demonyo. Subalit ang hindi nila alam si Jesus ay Anak ng Diyos at maykapangyarihang magpagaling ng mga may karamdaman. Si Jesus, kasama ang kanyang mga alagad ay pumunta sa iba’t-ibang dako upang magdulot ng kagalingan sa mga taong maysakit at nanampalataya sa kanya.

Samakatuwid, demonyo ang ating kalaban. Sa ating kapaligiran, nandyan ag tukso at pagsuway sa mga kautusan ng Diyos. Ang mga tuksong ito ay ating mapaglalabanan kung tayo ay may malalim na pananampalataya sa Diyos at susunod sa kanyang kalooban. Kaya huwag tayo padaig sa demonyo. Palaging manalangin, magsimba at taimtim na makinig sa Salita ng Diyos, dumalo sa mga Bible Study at sumapi sa mga samahan pangrelihiyoso sa ating parokya upang higit pang lumalim ang ating pananampalataya.

Sa personal kong buhay, napakahulugan ng ebanghelyong ito. Ako noon ay talamak na makasalanan at lahat na yata ng bisyo ay nasa akin na. Matagal rin akong namuhay nang ganito na parang walang mga suliranin na iniisip. Sa buhay na ito na layaw lang ng katawan ang sinusunod, ikatlong bahagi lang ng aking buhay ang sa Diyos na dapat sana ay buong-buo ay sa kanya.

Subalit, dumating ang matinding dagok sa buhay ko na nakapagbago sa akin. Ako’y malubhang nagkasakit at labing apat na araw nanatili sa ospital kasama na ang apat na araw sa ICU. Naging 50-50 wika nga ang buhay ko sa mundo. Sa pamamagitan na rin ng panalangin ng aking pamilya, ako’y gumaling. Inilapit nila ako sa Diyos at humingi ng tawad sa pamamagitan ng pagkukumpisal ng buong-buo. Sabi nga sa akin ng Panginoon “matinding kalabit lamang yan” upang ako’y mamulat at magbago.

Magbuhat noon pinaglalabanan ko ang demonyo at mga kasalanan sa pamamagitan ng paglilingkod sa Diyos ng may katatagan, pananampalataya at pag-ibig. Bukod dito mas pinipili kong makisalamuha sa mga taong may pagmamahal sa Panginoon upang ako’y malayo sa tukso at higit na mapalapit sa Diyos. 

(Paquito S. Samson)


No comments:

Post a Comment