Marcos 1:14-20
Nang ibinilanggo na si Juan, si Jesus ay nagpunta sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balitang mula sa Diyos. Sinabi niya, "Dumating na ang takdang panahon. Malapit nang maghari ang Diyos! Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan. Paniwalaan na ninyo ang Magandang Balita!" Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon at Andres na nanghuhuli ng isda sa pamamagitan ng lambat. Sila'y kapwa mga mangingisda. Sinabi ni Jesus sa kanila, "Sumunod kayo sa akin at kayo'y gagawin kong mangingisda ng mga tao." Pagkasabi niya nito'y agad iniwan ng magkapatid ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
Nagpatuloy siya sa paglalakad, at sa di-kalayuan ay nakita naman niya ang magkapatid na Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa kanilang bangka at nag-aayos ng mga lambat. Tinawag din sila agad ni Jesus at sila ay sumunod din sa kanya. Iniwan nila sa bangka ang kanilang ama na kasama ang kanilang mga upahang manggagawa.
Pagninilay:
“Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mamamalakaya ng tao” Pagkatapos kong basahin ang katagang ito mula sa Panginoong Jesus, tinanong ko ang aking sarili, “Kaya ko bang iwan ang aking lambat at sumunod kay Kristo kung siya’y darating at ako’y tawagin katulad ng pagtawag niya kay Simon at Andres? Ito’y nangangahulugan nang pag-iwan ng lahat ng aking pag-aari at ng mga mahal ko sa buhay. Ako’y nakasisigurong marami sa atin ang magdadalawang-isip bago sumagot ng OO sa katanungang ito. Ako, mismo ay magpapakatotoo. Bilang isang ina ng limang supling at dahil na rin sa mga tungkuling kaakibat nito, para sa akin ito’y mahirap gawin. Subalit mayroon din kasabihan:”Pag gusto may paraan, pag ayaw may dahilan.” Datapwat ang pagtugon sa Kanyang panawagan ay nangangahulugan din ng pagtanggap ng hamon ng pagiging isang alagad. At sa ganang akin ang pagiging alagad ay napakalaking salita. Hindi mo ito magagampanan kung hanggang salita lamang ang pagsunod mo kay Kristo. Kailangan nang buo mong pusong pagtalima, hindi lamang pahapyaw. Dapat alam mo ang mga turo ni Jesus nang sa gayon ay maibahagi mo ito sa mga tao. Hindi ka lang dapat magaling sa salita, dapat magaling ka rin sa gawa, at naisasabuhay mo ang iyong itinuturo.
Ngayon sa sagot sa tanong na: “Maaari ko bang iwan ang aking lambat at sumunod kay Kristo?” Kung ang Paginoon ang siyang tumatawag, sino ako upang tumanggi? Siyempre, ako’y susunod sa kanyang tawag.
Sa isang banda at ayon sa aking makakaya, tinuturuan ko ang aking mga anak lumaking mabubuting tao, hindi lamang sa salita kundi sa pamamagitan ng pagiging magandang halimbawa sa iba. Para sa akin. ang pagiging ina ay isa ring anyo ng tawag mula kay Kristo at ang pagiging alagad ay nagsisimula sa tahanan.
No comments:
Post a Comment