Monday, January 26, 2015

Enero 26, 2015; San Timoteo at San Tito, mga Obispo

Lucas 10:1-9 / Marcos 3:22-30

Pagkatapos nito, pumili ang Panginoon ng pitumpu't dalawa. Sila ay isinugo niya nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na pupuntahan niya. Sinabi niya sa kanila, "Napakarami ng aanihin ngunit kakaunti ang mga mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala siya ng mga mag-aani. Sige pumunta na kayo! Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mababangis na asong-gubat. Huwag kayong magdala ng lalagyan ng pera, bag, o sandalyas. Huwag na kayong makikipagbatian kaninuman sa daan. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, 'Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!' Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, tatanggapin nila ang kapayapaan ninyo; ngunit kung hindi, babalik sa inyo ang inyong kapayapaan. Makituloy kayo sa bahay na iyan at huwag kayong magpapalipat-lipat ng tinutuluyan. Kainin ninyo at inumin ang anumang ihain sa inyo sapagkat ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng sweldo. Kapag tinanggap kayo sa alinmang bayan, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at sabihin sa mga tagaroon, 'Malapit na kayong pagharian ng Diyos.’


Pagninilay:

Bagama’t si Jesus ay tanyag dahil sa kanyang mga kabutihang ginawa at maraming pumupuri sa kanya, marami rin ang pumupula sa kanya, isa na rito ang mga Tagapagturo ng mga Kautusan. Sa kanilang kapalaluan hindi nila matanggap na si Jesus ay mas marunong at mas banal kaysa sa kanila. Kaya’t ganoon na lamang ang pagkainggit nila sa Panginoon. Subalit sa mga pag-aalipustang ito si Jesus ay di natinag dahil kilala niya kung sino Siya. Wala siyang insecurities sa buhay kaya naman siya’y mapagpasensya at makatwiran. Sa halip na gantihan ng galit at poot ang bumabatikos sa kanya, ginagawa niya itong isang oportunidad upang turuan at maliwanagan ang isipan ng mga tao. Ang ipinapairal niya’y katwiran, hindi galita at poot.

Sa ating panahon ngayon malimit tayong makatagpo ng mga taong salungat sa ating mga pananaw o opinion. Sa mga sitwasyong ito ba’y poot o katwiran ang umiiral sa atin. Katulad ni Jesus, ginagamit ba natin itong pagkakataon upang turuan at maliwanagan ang bumabatikos sa atin? O tayo ba’y bumababa sa lebel ng mga nagungutya sa atin sa pamamagitan ng pagganti ng masasamang salita?

No comments:

Post a Comment