Marcos 3:31-35
Dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus. Sila'y nasa labas ng bahay at ipinapatawag siya. Nang oras na iyon ay maraming taong nakaupo sa palibot ni Jesus. May nagsabi sa kanya, "Nasa labas po at naghihintay ang inyong ina at mga kapatid."
“Sino ang aking ina at mga kapatid?” tanong naman ni Jesus. Tumingin siya sa mga nakaupo sa palibot at sinabi, “Sila ang aking ina at mga kapatid! Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng Diyos ay siyang aking ina at mga kapatid.”
Pagninilay:
Ang pagsunod o obedience ay nakaugat sa isang malalim na relasyon tulad ng ugnayan ng mga anak sa mga magulang at sa pagsusunuran ng mga magkakapatid. Ang pagsunod ay isang ugali na nag-uugat sa pamilya at isa ring pagpapahalaga na nagbubuklod sa mga anak sa magulang at sa mga magkakapatid, Ang isang pamilyang masunurin ay mananatiling matatag kahit sa gitna ng unos at ang pamilyang nagkakanya-kanya ay madaling mabuwag.
Kaya hindi kataka-taka kung ihinalintulad ni Jesus ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos sa kanyang Ina’t mga kapatid. Sa kanyang inang si Maria, at mga kaanak una niyang nasaksihan kung paano sumunod sa kalooban ng Diyos. At sa kanila rin ni Jesus unang natutuhan ang pagiging masunurin.
Maituturing ko bang Ina at kapatid ni Jesus dahil sa ako’y masusnurin sa kaooban ng Diyos? O ako’y yaong di kaano-ano ni Jesus dahil ang sinusunod ko lamang ay ang sariling kagustuhan.
No comments:
Post a Comment