Marcos 3:1-6
Muling pumasok si Jesus sa sinagoga. Naratnan niya roon ang isang lalaking paralisado ang isang kamay. May ilang taong naroroon at inaabangan kung pagagalingin ni Jesus ang lalaking iyon sa Araw ng Pamamahinga, upang may maiparatang sila laban sa kanya. Tinawag ni Jesus ang lalaking paralisado ang kamay, "Halika rito!" Pagkatapos, tinanong naman niya ang mga tao, "Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti, o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay, o ang pumatay?"
Ngunit sila'y hindi sumagot. Tiningnan ni Jesus ang mga taong nakapaligid sa kanya. Galit at lungkot ang naramdaman niya dahil sa katigasan ng kanilang mga puso. Pagkatapos, sinabi niya sa maysakit, "Iunat mo ang iyong kamay." Iniunat naman ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling. Umalis ang mga Pariseo at agad nakipagsabwatan sa mga tagasunod ni Herodes upang maipapatay si Jesus.
Pagninilay:
Ang mga Pariseo ay walang pagkakaiba sa isang lalaking paralisado ang isang kamay na nadatnan ni Jesus sa loob ng sinagoga. Ang lalaki ay hindi maikilos ang kamay at hindi makagawa, samantalang ang mga Pariseo nama’y hindi makapagmahal at makaunawa ng kanilang kapwa dahil sa paralisado nilang pusong pinatigas ng inggit at kapalaluan. Subalit mas mapalad ang lalaki dahil siya ay nanampalataya at sumunod kay Jesus. Dahil dito ang paralisado niyang kamay ay pinagaling ng Panginoon. Sa kabilang dako naman ang paralisadong puso ng mga Pariseo ay lalo pang tumigas dahil sa inggit at pagkamuhi nila sa Panginoon.
Marami sa atin ang may mga paralisadong puso tulad ng mga Pariseo – mga pusong walang buhay dahil sa poot, inggit, pagkagahaman at pagnanasa. Ang mga ito’y naninigas dahil ang nakikita lamang ang sarili at kung paano ito mas higit pa mapagsislbihan sa pamamagitan ng walang habas na pag-angkin ng yaman, kapangyarihan at katanyagan. Hindi nito nakikita ang Diyos at ang kapwa kaya ito’y hindi makapagmahal. Subalit ang mga pusong paralisado ay maaaring gumaling tulad ng paralisadong kamay ng lalaki sa ebanghelyo. Ang kailangan lamang ay manalig sa Panginoong Jesus at buong pagpapakumbabang iaalay ang mga paralisadong puso ng ito’y mahilom ng mapagmahal na puso ni Jesus.
Ako ba’y may pusong buhay na puno ng pag-ibig ng Diyos o ang puso ko ba’y paralisado at puno ng inggit at pagkamuhi tulad ng sa mga Pariseo sa ebanghelyo?
No comments:
Post a Comment