Tuesday, January 20, 2015

Enero 20, 2015

Marcos 2:23-28

Isang Araw ng Pamamahinga, naparaan si Jesus at ang kanyang mga alagad sa triguhan. Habang sila'y naglalakad, ang mga alagad ay pumipitas ng uhay. Sinabi ng mga Pariseo kay Jesus, "Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Mahigpit iyang ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga!"

Sinagot naman sila ni Jesus, "Hindi pa ba ninyo nababasa ang ginawa ni David noong panahong si Abiatar ang pinakapunong pari? Nang si David at ang kanyang mga kasama'y magutom at walang makain, pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog sa Diyos. Binigyan pa niya ang kanyang mga kasamahan. Ayon sa Kautusan, ang mga pari lamang ang may karapatang kumain niyon."

Sinabi rin ni Jesus, "Itinakda ang Araw ng Pamamahinga para sa ikabubuti ng tao; hindi nilikha ang tao para sa Araw ng Pamamahinga. Ang Anak ng Tao ay siyang Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.”


Pagninilay:

Ibinigay ng Diyos sa atin ang lahat ng pagkakataon para sa ating sarili. Nasa pamamahala natin ang lahat ng oras subalit hindi natin alam ang tamang paggamit nito. Nauubos natin ang lahat ng oras o panahon para sa pansariling kapakanan. Abala tayo sa mga gawain para sa makamundong pangangailangan, mga materyal na bagay na palamuti lamang sa buhay sa mundong ito. Nag-uunahan tayo na makalamang sa kapwa upang higit na maging makapangyarihan sa kapwa natin. Wala tayong panahon upang pasalamatan ang mga bagay o biyayang dumarating sa buhay natin, maging ito man ay maliit o malaki. Hindi natin alintana ang kapwa natin sa paligid. Nalimutan natin na may mga taong nangangailangan sa atin. Nakalimutan natin na upang mabuhay sa mundo kailangan natin ang ating kapwa, hindi upang kumpetensyahin o gamiting hagdan sa pag-unlad, kundi upang maging katuwang na pamahalaan ang kapaligiran, na may pagmamahalan sa isa’t – isa. Hindi nga ba’t ito naman ang nakapaloob sa buong kautusan ng Diyos, ang mahalin ang Diyos at kapwa?

Ang pagmamahal sa kapwa ay pagmamahal sa Diyos, kaya’t ang mabuting nagawa sa kapwa ay kabutihan at pagmamahal din sa Diyos. Ang araw ng pamamahinga ay gawing makabuluhan sa pamamagitan ng paggawa nang mabuti sa kapwa. Ang sabi nga Niya, “maging ang araw ng pamamahinga ay nasa kapangyarihan ng Anak ng Tao.” Huwag natin itong sayangin, huwag natin gamitin ito para sa sarili lamang, bagkus, gamitin natin ito para sa kabutihan ng kapwa, at sa ikaluluwalhati ng Diyos.

(Clarita de los Santos)


No comments:

Post a Comment