Saturday, January 17, 2015

Enero 17, 2015; San Antonio, abad

Marcos 2:13-17

Muling pumunta si Jesus sa baybayin ng Lawa ng Galilea. Sinundan siya roon ng napakaraming tao at sila'y kanyang tinuruan. Pagkatapos nito, nagpatuloy si Jesus sa kanyang paglalakad at nakita niyang nakaupo sa paningilan ng buwis si Levi na anak ni Alfeo. Sinabi sa kanya ni Jesus, "Sumunod ka sa akin." Tumayo naman si Levi at sumunod nga sa kanya.

Nang si Jesus at ang kanyang mga alagad ay kumakain sa bahay ni Levi, kasalo nilang kumakain ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanang sumunod sa kanya. Nang makita ito ng ilang tagapagturo ng Kautusan na kabilang sa pangkat ng mga Pariseo, a tinanong nila ang kanyang mga alagad, "Bakit siya kumakaing kasama ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?"

Narinig ito ni Jesus kaya't siya ang sumagot, "Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. Naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga matuwid.”


Pagninilay:

Hindi pangkaraniwan sa kultura ng mga Hudyo ang makasalo sa isang piging o handaan ang mga “makasalanan” at maniningil ng buwis. Isang malaking iskandalo para sa kanila lalo na sa mga Pariseo na makisalamuha man lamang sa itinuturing nilang walang ginagawang mabuti at mga taksil sa bayan. Ngunit sinabihan sila ni Jesus na higit Siyang kailangan ng mga ito upang sila namn ay makaranas ng kagalingan ng kanilang espiritu at walang hanggang pag-ibig ng Diyos.

Bawat isa sa atin ay inaatasan ng Diyos na sumunod sa kanyang mga yapak. Matanda man o bata, lalaki o babae may asawa o wala, may hanap – buhay o wala – lahat ay inanyayahan na kaniyang maging alagad. Isang malaking pagpapala ang mabigyan ng pagkakataon na mapabanal ang sarili kung siya ay magiging isang manggagawa sa kaniyang ubasan. At maraming paraan ng paglilingkod sa Panginoong Hesus ayon sa mga talentong ipinagkaloob Niya.

Sa kabila ng aking kahinaan at kakulangan , nagpapasalamat ako sa Panginoong Diyos at ako ay napahintulutan magsilbi sa Diyos sa pamamagitan ng isang Catholic Charismatic Community bilang Pastol at gabay ng isang maliit na kalipunan o Word Sharing Circle at maging kasapi ng isang religious organization tulad ng Lectors and Commentators Ministry” at Vespers Choir.

(Yoly Correa)

No comments:

Post a Comment