Lucas 2:16-21
Nagmamadali silang pumaroon at natagpuan nila sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. Isinalaysay ng mga pastol ang sinabi ng anghel tungkol sa sanggol. Namangha ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. Tinandaan ni Maria ang mga bagay na ito, at ito'y kanyang pinagbulay-bulayan. Umalis ang mga pastol na nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan dahil sa lahat ng narinig nila at nakita, ayon sa sinabi sa kanila ng anghel. Pagsapit ng ikawalong araw, tinuli ang bata at pinangalanang Jesus. Ito ang pangalang sinabi ng anghel bago pa siya ipaglihi.
Pagninilay:
Tinandaan ni Maria ang mga bagay na ito, at ito’y kanyang pinagbulay-bulayan.
Ang mga kababaihan ay sadyang masalita. Mas nauuna sa kanila ang ibuka ang bibig kaysa sa ibuka ang taynga at making. Kapag may nakikitang di pagkaraniwan o kamangha-mangha, natural na sa kanila ang ikwento o isigaw ang nakita’t narinig. Ngunit si Maria ay kakaiba. Bagama’t pinagpalang mapili ng Diyos na maging ina ng bugtong niyang Anak siya’y tahimik lamang na pinagyaman sa kanyang puso ang dakilang biyayang nakamit. Nang ibinalita ng mga pastol ang sinabi ng mga anghel tungkol sa sanggol na isinilang sa sabsaban, si Maria’y taimtim na nakinig sa magandang balita, pinagbulayan at isinakatuparan ang pagiging Ina ng Diyos bilang pagsunod sa kalooban Niya.
Tayo ba’y katulad ni Maria na marunong makinig, magnilay at magsabuhay ng Salita ng Diyos? O tayo’y bingi sa tinig ng Diyos at nagpapakalunod lamang sa tawag ng laman at ng mundo kaya’t tayo’y puro lamang ingay gaya ng latang walang laman?
No comments:
Post a Comment